Nagsimula nang bakunahan ang mga batang may edad 12 hanggang 17 sa bayan ng San Vicente (Photos courtesy of Fred Odronia)

SAN VICENTE, Palawan — Nagsimula nang magbakuna kontra COVID-19 ang Municipal Health Office (MHO) sa mga batang may edad 12 hanggang 17 sa bayan na ito.

Ayon sa MHO, sinimulan nila ang pagbabakuna sa naturang age group noong Nobyembre 8, kung saan 54 na kabataan ang tumanggap ng unang dose ng Pfizer vaccine sa Barangay Sto. Niño.

“Sa Sto. Niño tayo kahapon upang magbakuna ng mga edad 12 to 17. Maganda [itong simulain sa] prevention natin na magkaroon sila ng malulubhang sakit tulad ng mga sintomas sa COVID. Mukhang bukas na po ang kanilang kaisipan sa bakuna, so, natatanggap na unti-unti sa populasyon natin [ang patungkol sa magandang maidudulot nito],” ani Assistant MHO officer Dr. Bonifacio Estorninos.

- Advertisement -

Aniya, sa pamamagitan ng vaccination roll-out sa mga menor de edad ay mapatataas pa ang porsyento ng mga bakunado na makakatulong upang maabot ng San Vicente ang herd immunity nito sa lalong madaling panahon.

Pareho lang din umano ang pagbabakuna sa mga nakatatanda. Kinakailangan lamang na may kasamang guardian o magulang ang bata sa oras ng kaniyang pagtungo sa vaccination site.

“Pati yung doses ay same lang naman ng binibigay. Ngunit dahil sila ay minor, kailangan lang natin magsecure ng waiver o consent na pipirmahan nong guardian nila o magulang na kasama nila… Hindi po kami tumatanggap kapag wala silang kasama na nasa legal age,” saad ni Dr. Estorninos.

Noong Martes, Nobyembre 9, maraming kabataan ang pumila sa Municipal Gymnasium sa Barangay Poblacion upang magpabakuna. Dalawa sa mga ito ay anak ni Charife Abutal.

“Willing akong pabakunahan ang aking mga anak para sila ay magkaroon ng proteksyon sa COVID-19 at syempre malaking tulong ito sa kanila kung magkakaroon na ng face-to-face classes,” pahayag ni Abutal.

Ang pagbabakuna sa naturang age group ay magpapatuloy sa Nobyembre 10 sa Brgy. New Agutaya (New Agutaya Gym). Isasagawa rin ito sa Brgy. Port Barton (Port Barton Gym) sa araw ng Huwebes at sa Sitio Albaguen, Port Barton sa araw ng Biyernes.

Tuluy-tuloy pa rin ang vaccination roll-out sa mga may edad 18 pataas.

Mula sa datos ng MHO noong Nobyembre 5 ay sinasabi na mayroon nang 7,864 ang fully vaccinated. Ito ay nasa 33.53% ng 23,455 na total target population na mabigyan ng bakuna. Nasa 5,548 naman ang tumanggap na ng 1st dose.

Previous articleLight rains forecast for Wednesday
Next articleWater service interruption set Thursday
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.