File photo of Port Barton

SAN VICENTE, Palawan — Nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan (SB) dito na naglalayong matugunan ang problema sa mataas na presyo ng kuryente sa Barangay Port Barton nitong nagdaang linggo.

Sa Resolution No. 2021-69 na iniakda ni Kgd. Mark Anthony Tabangay, hiniling ng kapulungan sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang mabilisang pag-apruba sa aplikasyon ng PowerSource Philippines Inc. (PSPI) bilang qualified third party service provider sa nasabing barangay at maka-avail ng subsidy mula sa National Power Corporation (Napocor) sa ilalim ng UCME mechanism ng EPIRA law. Ito ay upang mabawasan ang mataas na binabayarang konsumo sa elektrisidad ng mga residente ng barangay.

Ayon kay Vice-Mayor Antonio V. Gonzales, ang mataas na singil sa kuryente ay lubhang nagpapahirap sa mga mamamayan.

“Nanawagan tayo sa ERC at DOE (Department of Energy) na aprubahan na ang application ng PowerSource para naman hindi na mahirapan ang mga kabarangay natin sa [Port] Barton. Napakataas ng kuryente nila,” apela ni Gonzales.

- Advertisement -

Ayon sa PSPI, nag-file sila ng application sa ERC noong ika-12 ng Pebrero ngayong taon.

Paliwanag ni Tabangay, malaking kabawasan sa bayarin ng mga mamamayan kapag nakatanggap ng subsidy ang PowerSource.

“Bababa ang babayarang kuryente ng mga taga-Port Barton. Kagaya dito sa atin na nasa ilalim ng PALECO (Palawan Electric Cooperative), nababawasan ng more or less P10.00 per kilowatt hour (kWh) ng nakokonsumo nating kuryente dahil sa subsidy mula sa NPC. So posibleng ganyan din ang mababawas sa electric bill ng mga taga-Barton,” aniya.

Ayon sa datos, nasa P22 hanggang P37 per kilowatt hour ang binabayarang kuryente ng mga taga-barangay samantalang ang mga consumer ng PALECO ay nagbabayad lamang ng P8 to P11 per kilowatt hour.

Ang Port Barton ay nasa ilalim ng Barangay Power Association (BAPA) na programa ng pamahalaang panlalawigan.Taong 2018 nang pumasok ang PSPI sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement kasama ang pamahalaang panlalawigan, at Port Barton Barangay Council.

Ayon kay dating punong barangay Felipe Acosta, noong pumasok ang PSPI ay wala pa ang pandemya at masigla pa ang ekonomiya kaya tinanggap nila ang kumpanya kahit mataas ang singil.

“Tinanggap namin sila noon kasi kahit mahal, 24/7 naman ang kuryente at kailangan talaga namin lalo noong malakas pa ang tourism ditto. Pero ngayon, bagsak ang kabuhayan namin, hirap talaga kami makabayad ng kuryente,” paliwanag niya.

Previous articleICT equipment ipinagkaloob ng pamunuan ng PSU sa Española campus
Next articlePCA-Palawan pushing through with validation of 30,000 coconut farmers
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.