Ngayong araw ng Martes ay maaasahan pa rin ang maulap na kalangitan na nagdadala ng moderate-to-heavy rains sa maraming lugar sa Luzon, lalo na sa Palawan, dahil sa umiiral na intertropical convergence zone (ITCZ) at dalawang low pressure area (LPA) na nasa loob nito.
“Mag-ingat sa mga posibleng pagbaha [at] landslides,” ayon kay DOST-PAGASA weather specialist Benison Estareja kaninang alas 4 ng madaling araw, Nobyembre 16, sa kanyang ulat panahon.
Ang pag-ulan ay nararanasan na sa Bataraza, Rizal, Brooke’s Point, Sofronio Española, Narra, Quezon, Aborlan, Puerto Princesa, Roxas, San Vicente, Dumaran, Aracelli, Cagayancillo, na maaaring tumagal ng hanggang dalawang oras.
Ayon kay Estareja, umiiral ang iba-ibang weather systems sa bansa ngayon, at una na nga ay ang ITCZ na salubungan ng hangin mula sa northern at southern hemispheres na nagreresulta sa mga kaulapan at mga pag-ulan sa Palawan, Visayas, at Mindanao sa nakalipas na 24 oras.
Ang isa pang weather system ay ang shear line o tail-end ng frontal system na siyang boundary ng northeast monsoon at ng easterlies na nakakaapekto sa eastern section ng Southern Luzon. Sa natitirang bahagi naman nito, kabilang ang Metro Manila, umiiral na uli ang northeast monsoon o amihan.
Sa loob ng ITCZ namataan ang dalawang LPA, kung saan ang isa ay nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at binabantayan simula alas 3 ng umaga. Ito ay nasa 335 kilometers ng East Southetheast ng Hinatuan sa Surigao del Sur.
“Itong low pressure area [na ito] ay nananatiling mababa ang tsansa na maging isang bagyo, at considered as a shallow LPA. Posibleng lumapit [ito] ng konti dito sa may Eastern Visayas and Caraga Region at magpapa-ulan pa rin,” ayon kay Estareja.
Ang isa pang LPA sa loob ng ITCZ, subalit nasa labas ng PAR, ay nasa 1,500 kilometers sa Silangan ng Mindanao.
“Base sa ating analysis, within 24 hours ay mababa rin ang tsansa na ito ay maging isang ganap na bagyo,” pahayag pa ni Estareja.
Idinagdag niya na binabantayan pa rin ito dahil mas mataas ang tsansa na habang lumalapit ito sa lupa, papasok ng PAR bukas ay tumataas ang tsansa na ito ay maging isang bagyo. Tulad ng isang naunang LPA, lalapit din ito sa may bahagi ng Visayas at Mindanao.
Ang agwat ng temperatura sa Puerto Princesa ay nasa 25 degrees Celsius hanggang 30 degrees Celsius, samantalang sa Kalayaan Island ay nasa 26 degrees Celsius hanggang 30 degrees Celsius.