Iniinspeksyon ng mga personnel ng 2nd SOU-MG ang laman na Ipil lumber ng van na minamaneho ni Jay Piojo, 24 taong gulang. (Larawan mula sa 2nd SOU-MG)

Nasabat ng mga operatiba ng 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG) ang isang van na may lulan na Ipil na may kabuuang sukat na 715.67 board feet at nagkakalahaga ng P85,000 sa Santol Road, Barangay San Jose sa lungsod ng Puerto Princesa, noong Lunes ng madaling-araw, Pebrero 28.

Ang nasabing kahoy ay dinala ng nasabing van na minamaneho ni Jay Piojo, 24 taong gulang, sa lungsod mula sa Brgy. Tinitian sa bayan ng Roxas. Nagtangka pa itong umiwas at nakipaghabulan sa awtoridad bago na huli mga tauhan ng 2nd SOU-MG, dakong 1:50 ng madaling-araw.

Ayon kay P/Lt. Anna Abenojar, tagapagsalita ng 2nd SOU-MG, nauna nang naitawag sa kanila ang pagbiyahe ng kahoy subalit nakalusot sa checkpoint ng pulis sa Sitio Anilawan, Brgy. Babuyan at sa checkpoint ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Brgy. Sta. Lourdes.

“Mayroon tayong tawag na natanggap from Brgy. Tinitian, na mayroong ita-transport na kahoy papunta nga dito sa Puerto Princesa. Itinawag din yun sa Anilawan checkpoint pero nakalampas siya, dahil hating gabi nga ang transport noong kahoy,” pahayag ni Abenojar.

- Advertisement -

“Pagdating dito sa CENRO checkpoint, may dalawang naunang pickup sa harapan niya. Habang chini-check ng pulis at CENRO, tumakas siya nilusutan niya ang mga pickup dahil doon naka focus ang attention ng mga pulis, kaya yun na naghabulan na sila saka siya naabutan doon sa Santol Road,” dagdag pahayag nito.

Ipinahayag pa ni Abenojar na sinabi ng driver na wala siyang alam sa ilegal na pagbiyahe ng kahoy.

“According sa driver, ‘yung may-ari ng kahoy at pagdadalhan nito ay parehong hindi niya kilala. Sabi niya, ang nakipag-transaction ay ang nagma-manage ng van na kanyang dala. Ang sabi niya sa amin, sinabihan siya na ikarga ang kahoy, at dalhin dito sa barangay San Jose,” ani Abenojar.

“Nagsagawa na kami ng imbestigasyon at may nakikita na kaming personalidad pero sa ngayon hindi pa namin pwedeng pangalanan. Pero nakikita rin namin na, matagal na itong taong ito na involved sa ganitong aktibidad,” dagdag niya.

Samantala, umabot sa kabuuang halagang P900,000, ang lahat ng nakumpiskang ebidensya.

“Nasa 63 pieces ng assorted sizes ang ipil na nasa 715.67 bd. ft. at mayroong market value na P85,000. Kasama ang environmental damages, umabot ito sa P858,804 at dahil kasamang confiscated ang van, umabot ang pangkalahatan sa P900,000,” paliwanag ni Abenojar.

Previous articleCoastal clean-up isinagawa sa baybayin ng Narra
Next articleLANDBANK-UCPB merger starts March 1
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.