BROOKE’S POINT, Palawan — Naglaan ng libreng lote para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), partikular para sa mga domestic helpers ang lokal na pamahalaan ng Brooke’s Point sa Barangay Amas.
Sa panayam ng Palawan News kay Mayor Mary Jean D. Feliciano, sinabi niyang ito ay tulong ng lokal na pamahalaan sa mga residente ng bayan na ngayon ay nagtatrabaho sa ibang bansa bilang kasambahay, ngunit walang sariling lupa’t bahay at ang iniwang pamilya ay nakikitira lamang.
Aniya, ito rin ay bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga kababayang piniling tiisin ang hirap at lungkot upang maibigay ang pangangailangan ng pamilya at makapag-ambag sa ekonomiya sa kabila ng umiiral na pandemya.
“Bilang pagkilala sa kabayanihan ng ating mga kababayan na nagtatrabaho bilang kasambahay sa ibang bansa, ang LGU-Brooke’s Point ay maglalaan ng residential lot sa Brgy. Amas relocation para sa mga wala pang lupang pag-aari dito sa ating bayan,” pahayag ni Feliciano.
“Sa pamamagitan nito ay maipaaabot namin ang aming pasasalamat sa kanilang pagsasakripisyo na matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at gayundin sa tulong sa ekonomiya ng ating bansa kahit sa panahon ng pandemya,” dagdag niya.
Ang isang OFW o domestic helper na maghahangad na makatanggap ng lupain ay isasailalim sa isang assessment at evaluation. Ang isang kwalipikadong OFW ay mabibigyan ng lote na may sukat na 100 square meters.
Ayon kay Edith Pascua, Project Evaluation Officer, kailangan lamang na magsumite ng mga kinakailangang dokumento ang isang OFW para sa assessment at evaluation.
10×10 o 100 square Meters ang ilalaan para sa karapatdapat na OFW na Domestic Helper na dadaan muna sa assessment at evaluation matapos na magsumete ng kinakailangang dokomento.
Sa ngayong ay hinimok ni Feliciano na magpatala ang mga kababayan nitong OFW upang maisama ang kanilang pangalan sa assessment na isasagawa ng lokal na pamahalaan.