SAN JOSE, Occidental Mindoro — Mas masusukat ang katapatan sa paglilingkod ng lokal na pamahalaan ngayong isa nang ganap na ordinansa ang Freedom of Information Ordinance (FOI) sa Occidental Mindoro, ayon kay Board Member Anecita Diana Apigo-Tayag, tagapangulo ng Committee on Ways and Means at Trade and Industry ng Sangguniang Panlalawigan.

“Long overdue.  Matagal na dapat ang FOI ordinance sa lalawigan,” bungad ni Tayag, pangunahing sponsor ng FOI ordinance, sa panayam ng ilang mamamahayag. Naniniwala aniya siya na kung noon pa ay umiiral na ang nasabing batas, mas madaling matukoy kung ang isang lokal na pamahalaan ay tapat o hindi na naglilingkod sa bayan.

Paliwanag ni Tayag, sa ilalim ng FOI, maaring humingi ng kopya ng mga public at official records ng munisipyo o kapitolyo ang isang mamamayan at suriin ang mga ito. Nakasaad sa Section 4 ng ordinansa na kabilang sa mga tala na maaring pabuksan ay mga official acts, iba’t ibang transaksyon, research data na ginagamit sa pagbuo ng mga polisiya at iba pa.

Sa kabilang dako, tinitiyak naman ng ordinansa na mapangangalagaan pa rin ang integridad ng mga opisyal na dokumento.

“May tamang proseso na itinatakda sa FOI kung paano makahingi ng mga datos,” dagdag paliwanag ni Tayag.

Aniya, sa kabila ng pagkakaroon ng FOI, may exceptions o mga impormasyong hindi maaring makuha sa ilalim ng nasabing batas. “Kabilang dito iyong mga sensitibong impormasyon na may kinalaman sa pambansang seguridad, gayundin ang mga impormasyon na sadyang ipinagbabawal ng konstitusyon na maisapubliko,” ayon sa lokal na lehislador.

Para aniya maging mas malinaw sa lahat, inaatasan sa ilalim ng ordinansa ang Provincial Legal Officer na magkaroon ng listahan ng mga dokumento at impormasyon na hindi saklaw ng FOI.

“Para sa akin napakahalaga ng FOI kasi makikita mo iyong transparency (bukas sa pagsusuri) at accountability (pananagutan) ng pamahalaan,” saad pa rin ni Tayag. Pumapabor lamang aniya ang FOI sa mga namumuno ng tapat.

“Kung maaring makita ang mga mali sa FOI, makikita rin ang mga ginagawang tama ng isang namamahala,” pagtatapos ni Tayag.

Pinagtibay ang FOI Ordinance ng Sangguniang Panlalawigan noong ika-22 ng Oktubre 2019. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

About Post Author

Previous articleAlternative market holds Biodiversity talks
Next articleBe wary of bogus Korean visa services, Pinoys advised