Tuloy-tuloy ang isinasagawang pag-iikot ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Puerto Princesa City para masigasig na ikampanya ang “Oplan Iwas Paputok” para sa selebrasyon ng pasko at bagong taon.
Ayon kay FO3 Mark Anticano, gamit ang kanilang mga firetruck ay nag-iikot sila sa mga barangay para sa kanilang public information dissemination sa ilalim ng “Oplan Ligtas na Pamayanan on the road”.
“Ini-incorporate ang iwas paputok sa Oplan Ligtas na Pamayanan on the road o OLP on the road. Gamit ang firetruck nag-iikot kami sa mga targeted barangays na kina-categorize namin into two — ‘yong low and the high risk na iikutin ng mga bumbero habang naka-Facebook live,” pahayag ni Anticano
Mula December 1 hanggang December 31 ay patuloy na mag-iikot ang mga tauhan ng BFP para magsagawa ng firetruck visibility at magbigay mensahe sa mga mamamayan ng lungsod kaugnay sa kung paano makakaiwas sa sunog na may kinalaman sa paputok.
Sabi niya, “at least 30 minutes” ay iikutin nila ang mga high at low risk barangays araw-araw. Sa December 21-23 naman ay dalawang beses silang mag-iikot sa mga barangay na ito ulit at tatagal sila ng mahigit kumulang isang oras.

“December 26 to 30, once a day sa low-risk barangays, and once a day sa high-risk, at least 30 minutes sa every barangay. December 31 naman, dalawang beses uli kaming mag-iikot sa mga high-risk, then atleast one hour kada baranggay,” paliwanag nito.
Ang mga high-risk barangay ay Pag-asa, Seaside, Matahimik, Matiyaga, Tagumpay, Liwanag, Maligaya, Mabuhay, Bagong Sikat, Bagong Silang, Pagkakaisa, Maunlad, Kalipay, Milagrosa, San Miguel, Mabuhay, Masigla, Masikap, Magkakaibigan, Mandaragat, Princesa, Masipag, Model, Tanglaw, Maningning, Bancao-Bancao, San Pedro, San Manuel, San jose, Sta. Monica, at Tiniguiban.
Ang mga low-risk barangay naman naman ay mga lugar na medyo malayo na sa bayan katulad ng Iwahig, Irawan, Salvacion, Manalo, Sta. Lourdes, at ilan pang barangay na may mababa o walang record ng sunog
Maliban sa Live Facebook habang nag-iikot sa mga barangay, may mga tarpaulin at posters din silang nilalagay sa mga conspicuous area sa mga community, code media campaign, at pagsasagawa ng fire safety inspection sa mga paputok (storage at tindahan), transportation facilities (terminals), at sa mga designated community display area.