SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Nagsagawa ng coastal clean-up ang mga opisyales ng barangay sa dalampasigan ng Pulot Shore bilang bahagi ng taunang programa na may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan noong nakalipas na Linggo, Oktubre 24.
Ayon kay kagawad Ronnie Dalendeg, umabot sa walong sako ng basura na kinabibilangan ng mga plastic bottles, cellophane at iba pang non-degradable na basura ang nakolekta ng grupo. Maliban dito, inipon din ng grupo at itinambak sa gilid ng baybayin ang mga sanga ng kahoy.
“Yung mga plastic isinasako namin, di na tulad ng dati na marami pa. Yung mga kahoy naman, tinatabi na lang namin para doon na lang sa gilid mabulok,” pahayag ni Dalendeg.
Dagdag niya, ang mga nakolektang basura ay pinaghiwa-hiwalay upang ang mga maari pang pakinabangan ay magamit bilang recycled materials samantalang ang iba pa ay na hindi na mapakinabangan ay ibinaon sa lupa.
