Sunod-sunod ang operasyon ng mga awtoridad sa karagatan sa bahaging norte ng Palawan upang ipatupad ang batas laban sa iligal na pangingisda.
Sa bayan ng Agutaya, hinarang ang tatlong bangka na may sakay na 33 mangingisda matapos na mahuli sa aktong paggamit ng “superlight” na mahigpit na ipinagbabawal.

Dito, hinuli ang boat captain at crew ng F/B MF-27 na kinilalang ang boat captain na si Alfredo Jaranilla Abapo, 59; deck officer Joseph Pasco Mendoza, 54; ang chief engineer na si Rello Palay Valledor, 51; at ang dalawa pang crew na hindi napangalanan.
Hinuli din ang mga sakay ng F/B Mayfair na sila Tito Sarabosing Apat, 54, boat captain; Allan Alisbo Amador, 56, chief mate; at ang chief engineer na si Arturo Montero Oliva, 51, at dalawa pa nilang crew.
Kinilala naman ang sakay ng ikatlong bangka na Golden Eagle, sakay ang kapitan na si Ronnie Pagliawan Villon, 51; Roger Tacal Valledor, 57, chief mate; Dario Tabang, 54; at 23 na crew ng mga ito. Ang mga ito ay tauhan ng kumpanyang Monalinda.
Ayon sa bagong hepe ng Agutaya Municipal Police Station (MPS) na P/Lt. Leo Bacunga, matapos na makatanggap ng report kaugnay sa mga mangingisdang nabanggit ay agad silang nagsagawa ng seaborne patrol, 11 p.m. ng gabi ng April 14 sa bisinidad ng Barangay Concepcion kung saan huli nga sa akto ang tatlong bangka.
Samantala, matapos makapagmulta ng halagang aabot sa P650,000 pesos para sa tatlong paglabag ay agad namang pinalaya ang mga mangingisda.
Sa Canaon Island, Brgy. Nangalao ay dalawang commercial fishing vessels — F/B Delber 4 at F/B Delber 1 — na may sakay na mahigit 100 mangingisda mula sa Nasugbo, Batangas ang hinuli rin ng mga operatiba ng municipal police, bandang alas nueve ng umaga ng April 16.
Ang nasabing mga bangka ay hinarang matapos iligal na pumasok sa municipal waters ng Linapacan.
Sa bayan ng Cuyo, tatlong commercial fishing vessels din ang hinarang ng Philippine Coast Guard (PCG) sakay ang 38 na mangingisda.
Hinuli ang mga ito sa 6.4 nautical miles sa water vicinity ng northeast ng Barangay Cocoro Island, Magsaysay, dahil sa paglabag sa Municipal Ordinance No. 085-2010 o ang paggamit ng superlight sa pangingisda.
Agad naman nai-turn over ang mga ito sa munisipyo ng Magsaysay.