Nagbigay sa lalawigan ng Palawan noong Disyembre 6, 2021, ang Office of Civil Defense (OCD) ng 300 family boxes at 11 generator sets na pang “pre-position” kapag may sakuna at kalamidad.
Sa panayam Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) chief Jeremias Alili, sinabi niya na kabilang sa nilalaman ng OCD family boxes ay ang kitchen sets, sleeping kits, at hygiene kits na ibibigay sa mga maapektuhan ng anumang sakuna.
“Binibigay siya sa mga families na nasira ang bahay, halimbawa magkaroon ng disaster, totally damage o wipeout ang bahay o masunog ang bahay, walang natira sa kanilang mga gamit, yun ang mga binibigay natin” pahayag pa ni ALili.
Ilalagay aniya sa mga munisipyo ang mga ito para kung may maganap na sakuna ay mayroong maibibigay sa mga biktima.
Nagpasalamat naman si Alili sa Western Command (WESCOM) dahil ang barko ng Philippine Navy (PN) na BRP Dagupan City (LS 551) ang ginamit sa pagdala ng mga kagamitan, aniya, malaking katipiran ito sa kanila dahil sa kaniyang tantya gagastos ng mahigit P250K kung isasakay sa commercial vessel.
Samantala, kinumpirma naman ni Sheila Marie S. Reyes, civil defense officer/field officer for Palawan, OCD MIMAROPA na sa mga island municipalities ilalagay ang mga generator sets. (MCE/PIA-MIMAROPA,PALAWAN)
