Iginiit ng Office of the Civil Defense (OCD) na kailangan ng gobyerno ang magkaroon ng sariling remote-operated vehicle (ROV) bilang dagdag na kakayanan para sa pag-responde sa mga aksidenteng nagaganap sa karagatan, kagaya na lamang ng paglubog ng tanker na MT Princess Empress na naging dahilan ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro at ilang bahagi ng Palawan.
Ayon kay Usec. Ariel Nepomuceno ng OCD, mas kapaki-pakinabang ang pagbili ng ROV na nagkakahalagang P40 hanggang P50 milyon, kumpara sa mahigit P200 milyong gastos ng gobyerno sa pagbibigay ng ayuda sa mga komunidad na apektado ng oil spill.
“Yung pamahalaan mismo ay kailangan pang mag-procure ng ROV upang magkaroon ng sariling kakayanan. Sa mas lalong madaling panahon ay kailangan nating bumili ng sarili nating ROV,” pahayag nito.
Ito ay matapos matagpuan sa tulong ng ROV-Hakuyo ng KYOEI Marine mula Tokyo, Japan ang lumubog na tanker sa itinuturing na ground zero nito
Nakatakdang magpulong ang provincial government ng Oriental Mindoro, Philippine Coast Guard (PCG), insurance company, ship owner, at Harbor Star Shipping Services Inc., para sa mga susunod na aksyon para sa lumubog na tanker.
“We will respond correspondingly once we have discussed yung result ng assessment na ginawa ng ROV. Mahalaga na ngayon ay nakikita na nila ang nasa ilalim,” pahayag ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor.