Ipinapaliwanag ni PNP Provincial Drector PS Supt Joseph Bayan ang kahalagahan ng pagiging huwaran ng mga kapulisan sa ginanap na 25th PNP Ethics Day sa Camp Winston Ebersole. (PPO/PCR Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro — Binalaan ni police provincial director Senior Superintendent Joseph Bayan ang mga pulis sa lalawigan na huwag gagawa o sasama sa anumang ilegal na gawain.

Sinabi ito ng direktor sa pagdiriwang ng ika-25 PNP Ethics Day, na ginanap sa Camp Winston Ebersole kamakailan.

Ayon kay Bayan, inaasahan sa mga pulis ang mataas na uri ng serbisyo sa bayan.

“Dapat silang maging huwaran. Hindi dapat ma-involve sa pangungotong, sugal at iba pang illegal activities,” saad ng direktor.

Naniniwala naman si PSI Juan Aguacito, deputy chief ng Police Community Relations (PCR) na ang taunang pagdiriwang ay paalaala sa kagandahang asal na dapat taglay ng kapulisan.

“Ang isang pulis ay dapat maka-Diyos, maka-tao, maka-kalikasan at maka-bayan,” paliwanag ni Aguacito. Dapat aniyang marunong rumespeto ang isang opisyal sa karapatan ng mamamayan upang siya ay pagtiwalaan.

Ang ika-25 PNP Ethics Day ay may temang Tapat na Paglilingkod, Susi sa Pinaigting na Kampanya Laban sa Kurapsyon. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Previous articleGob. Reyes ng Marinduque, iniuwi sa lalawigan
Next articleBahagi ng national road sa San Agustin, Romblon, isang buwang isasara