Aug 6, 2020

Nutrition month celebration sa El Nido, gagawing online

Samu’t-saring mga aktibidad online ang isasagawa gaya na lamang ng nutriquiz, nutri-jingle at programa sa radyo kung saan may kaukulang papremyo ang naghihintay sa mananalo.

EL NIDO, Palawan — Dahil sa banta ng COVID-19 at ipinagbabawal ang malakihang pagtitipon, ang mga alternatibong hakbang para sa pagdiriwang ng buwan ng nutrisyon sa bayan na ito ay isasagawa online sa pamamagitan ng pagkakaroon ng nutri-quiz, nutri-jingle at nutri-program sa radyo sa buong buwan ng Hulyo 2020.

Ayon kay Municipal Nutrition Action Officer Ma. Carmela Romantico ang nasabing hakbang ay ipapatupad ng kanyang tanggapan sa unang pagkakataon dahil sa pandemya.

Samu’t-saring mga aktibidad online ang isasagawa gaya na lamang ng nutriquiz, nutri-jingle at programa sa radyo kung saan may kaukulang papremyo ang naghihintay sa mananalo.

“Maari nilang sagutan ang mga katanungan sa aming facebook page at manalo ng cash kasama na dito ang instant papremyo sa mga katanungan through radio program kung saan magkakaroon tayo ng talakayan kaugnay sa tamang nutrisyon at kalusugan,“ ani Romantico.

Napag alaman na magbibigay sila ng award sa barangay na may pinakamababang kaso ng malnutrisyon dagdag din ang pagsasagawa ng feeding program sa mga barangays na may mataas na kaso sa malnutrisyon, pagbibigay ng maternal milk at mga bitamina sa mga kulang sa timbang na mga bata.

Samantala, inaanyayahanan nya ang bawat pamilya na lumahok at gumawa ng nutri-jingle ayon sa tema ng nutrisyon 2020. Kinakailangan lamang aniya nilang bumuo ng 3-5 miyembro mula sa kanilang pamilya at nutri-jingle na umabot sa 3-5 minuto. Ang papremyo ng nutri-jingle ay mula sa P5,000 (first prize), P3,500 (2nd prize) at P3,000 (3rd prize).

“I-uupload lamang nila ito sa ating Facebook page. Ito po ay open lamang sa lahat ng mga taga El Nido ngunit pupwede rin lumahok ang nasa labas pero lehitimo silang taga El Nido rin,” paliwanag ni Romantico.

Ang buwan ng nutrisyon ngayong taon ay may temang “Batang pinoy, sana tall, iwas stunting, sama all! Iwas all din sa COVID-19 “. Para sa karagdagang detalye, i-like lamang ang kanilang facebook page, Municipal Nutrition Action Office, El Nido, Palawan.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry