No Images found.

Number 4 most wanted ng Coron, inaresto

Dinakip ng mga awtoridad ang isang residente na itinuturing na No. 4 most wanted ng Coron sa bahay nito sa Barangay Tara noong Martes, Abril 27.

Ang suspek na kinilalang si Jesus Dacullos ay nasampahan ng kasong pagnanakaw ng alagang baka ng kanyang hipag.

Si Dacullos ay inaresto  sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Jocelyn Sundiang-Dilig ng Palawan Regional Trial Court (RTC) Branch 47 na may petsang January 18, 2018.

Ayon sa Coron Municipal Police Station (MPS), itinanggi ng suspek ang paratang ng kanyang hipag. “Pinagbintangan lang daw siya ng kanyang hipag na kinuha niya ang baka nito at sinabing kanya daw ‘yon,” pahayag ni P/Capt. Ervin Plando, hepe ng Coron MPS

Ayon pa kay Plando, nababaan na ng sentensya ang suspek makalipas na hindi pagdalo sa mga hearing nito sa nasabing kaso.

“Dahilan ng suspek, wala raw dumarating na mga subpoena sa kanya, kaya hindi na niya na monitor ang kaso niya.  Hindi na din niya matandaan kasi sobrang matagal na din nangyari,” paliwanag ni Plando.

Nasa kustodiya na ng Coron MPS ang suspek na walang nakalaang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry