[WARNING: Mention of drugs]
[Updated] Nasa kahimbingan pa ng tulog ang isang 63 taong gulang na negosyante nang pasukin ng mga awtoridad ang tinutuluyan nitong bahay sa Sitio Matangule, Brgy. Bangkalaan sa isla ng Marabon, Balabac, kaninang umaga, March 9.
Maghahain lang sana ng search warrant ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan, Naval Intelligence and Security Group (NISG) at 1st Palawan Mobile Force Company (PMFC) laban sa suspek na nakilalang si Jul Jabbal nang matagpuan mula sa tindahan nito ang anim na malalaking sachet ng pinaghihinalaang shabu at ilang mga parapernalya gaya ng mga gamit na foil.
Tinatayang aabot sa 25 hanggang 30 gramo ang mga nakumpiskang kontrabando na nagkakahalaga ng humigit kumulang P300,000
Ilang plastic sachets din ang nakita na may mga powder residue mula sa kwarto ng kanyang anak.
Maliban dito ay nakumpiska din sa suspek ang isang magazine at mga bala ng baril.
Ayon sa PDEA, matagal na nilang target si Jabal na makailang ulit ng nagpositibo sa pakikipag transaksyon kaugnay sa ilegal droga.
“Ilang beses na kaming nag test buy sa kanya at hindi siya pumapayag na maliitan lang kasi ayaw niyang maghati-hati ng mga item niya,” pahayag ng PDEA.
Sa kabila nito ay mariin ang naging pagtanggi ng suspek na siya ang nagmamay ari ng mga nakumpiskang ilegal na droga samantalang ang mga magazine at bala naman ay para umano sa kanilang seguridad.
Kakaharap si Jabal sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
*** EDITOR’S NOTE: This article was updated at 4:17 a.m. to clarify that a search warrant, not an arrest warrant, was served.