Isang negosyante ang inaresto ng operatiba ng Coron Municipal Police Station (MPS) sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Sitio Lamod, Barangay Poblacion 6, mag-a-alas dose ng gabi noong Mayo 8.
Ang suspek ay kinilalang si Jarren Abringe Tañega, 39 taong gulang, may-ari ng isang kayak rental shop sa nasabing lugar.
Nakuha kay Tañega ang 15 piraso ng heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na dalawang gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P15,000, isang P500 marked money, at isang coin purse na itim.
Ayon kay P/Cpt. Ervin Plando, hepe ng Coron MPS, kawalan ng kita sa negosyo ang naging dahilan ni Tañega kaya nagawa nitong magbenta ng droga.
Dagdag pa ni Plando, ayon sa suspek ay kilala na may koneksiyon sa isang kilalang tao sa kapitolyo ang pinagkukunan nito ng droga.
“Two weeks lang ang monitoring sa kanya. After na nakuha ng ating action agent ang information na nagbebenta siya ng droga, pinasasamahan na siya lagi para ma-monitor natin ang galaw niya,” pahayag ni palando ng makausap ng Palawan News Linggo ng umaga.
“Ang source niya ng droga, dating bilanggo din. Nakalaya. Tapos, tinulungan ng provincial government, ginawang asset-asset dito. Very vocal na tao siya ng isang opisyal diyan sa kapitolyo, na ive-verify pa natin,” dagdag niya.
