ROMBLON, Romblon – Kinumpirma ng pamunuan ng Romblon Electric Cooperative (Romelco), Inc. na maglalagay ng solar-powered hydro panels sa Cobrador Island sa Romblon ang National Electrification Administration (NEA) sa tulong ng Asian Development Bank (ADB).
Ang NEA katuwang ang ADB ay maglalagay ng apat na hydro panel units sa naturang island barangay bilang bahagi ng kanilang proyekto para makatulong sa iba’t ibang pamilya na walang nakukuhang malinis na tubig.
Ayon kay Engr. Ernesto Silvano, Jr., acting department manager ng NEA Office of Renewable Energy and Development, sagot umano ito sa kakulangan ng pasilidad sa Cobrador Island para makabigay ng malinis at ligtas na tubig inumin.
Ang hydro panels na ilalagay ng NEA ay gawa ng Zero Mass Water, Inc. (ZMW), ito ay isang device kung saan kayang mag-extract ng water vapor mula sa hangin. Ang mga makukuhang tubig mula sa hydro panels ay pupunta sa isang reservoir kung saan lalagyan siya ng calcium and magnesium para maging mineral.
Sinabi rin Engr. Silvano na kayang gumawa ng 5 litrong tubig kada araw ang mga hydropanels na kanilang ilalagay.
Ang Cobrador Island o kilala ring Naguso Island, ay kasalukuyang walang desalination plant na tutulong sana para maging drinking water ang salt water para magamit araw-araw ng mga pamilya doon.
Nais ring palawakin na mga nasabing ahensiya ang kahalintulad na proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa lalo na sa mga remote areas sa Pilipinas.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)