Nakabalik na ang walong mangingisda na sakay ng dalawang bangka na naunang naibalitang nawawala noong kasagsagan ng bagyong Karding habang patungo upang mangisda sa Recto (Reed) Bank sa West Philippine Sea (WPS).

Base sa report mula sa Philippine National Police (PNP) Mobile Force Company sa Napsan, alas 2 ng madaling araw ng October 2 nang magkakasabay na dumating sa Barangay Bagong Bayan ang mga mangingisda, mga barangay officials, at mga tanod na tumungo sa Recto Bank para hanapin ang mga mangingisda.

Ayon sa salaysay ng mga nakauwing mangingisda, papunta na sila sa kanilang destinasyon sa Recto Bank bago ang bagyong Karding nang may nasalubong silang lantsa at sinabihan silang bumalik dahil sa malalaking alon sa kanilang dadaanan.

“Sinabihan sila na huwag ng tumuloy dahil sabi nga ng mga tao sa nakasalubong na lantsa ga pitong talampakan ang mga alon sa unahan at maghanap na muna ng mapagtataguan. Kaya napunta sila sa Amy Douglas Bank at doon sila nagtago ng tatlong Araw,” pahayag ng hepe ng 2nd platoon ng City Mobile Force Alan Delos Santos.

Ayon pa kay Delos Santos, matapos ang bagyo ay pinili pa rin nilang mangisda para makabawi sa naging gastusin sa biyahe.

Naging kampante rin umano ang walong mangingisda dahil nagawa pa nilang makisuyo sa ilang nakasalubong na bangka para mai-text ang kanilang mga pamilya..

“Nangisda pa daw sila para mabawi ang gastos nila noong pag-alis nila. May napadaan daw ulit na malaking bangka sa kanila parang papunta o galing Balabac, isa sa pahinante nun kakilala ng isa sa mga mangingisda nakisuyo na i-text ang pamilya para malaman na at least, safe sila,” dagdag ni delos Santos.

Ngunit hindi umano natanggap ng pamilya ng mga mangingisda ang kanilang mensahe kaya labis silang nag-alala para sa mga ito at naging dahilan ng pagpapalaot ng mga opisyal ng kanilang baranggay upang magsagawa ng sarili nilang paghahanap.

Matatandaang nagsagawa rin ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG) ngunit agad din itong itinigil dahil sa sama ng panahon. Bagay na ikinadismaya ng mga kaanak ng mga mangingisda.

About Post Author

Previous articleNASA’s Juno spacecraft reveals 1st image of Jupiter’s moon Europa
Next articleModerate to heavy rains affecting some parts of Palawan
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.