Natagpuan na noong Martes ng umaga ang labi ng nawawalang mangingisda ng Brooke’s Point na si Inreto Atacador Abela, 61, sa baybayin ng Barangay Igang-Igang, Bataraza.
Residente ng Brgy. Malis sa bayan ng Brooke’s Point, naiulat sa Philippine Coast Guard (PCG) ng kanyang pamilya na nawawala si Abela noong ika-1 ng Pebrero matapos itong umalis at mangisda.
“Nagtaka kami na hindi na siya nakabalik. Kadalasan naman bumabalik siya kaagad, hinahanap namin siya. Walang kaaway ang tatay ko,” pahayag niy Maricel Abela, ang anak ng mangingisda.
Ayon naman kay Commander Christian Jazmin ng PCG Station sa Brooke’s Point, natagpuan ang bangka ni Abela sa karagatan ng Brgy. Inogbong, Bataraza na palutang-lutang noong ika-2 ng Pebrero, pero wala itong sakay.

Sabi niya, nakatanggap sila ng tawag mula sa kapitan ng Brgy. Oring-Oring na si Abdul Ambatal tungkol sa nakitang bangka sa Inogbong.
“Nireport sa amin ni kapitan Ambatal na mayroon ngang nakitang bangkang palutang-lutang sa Inogbong bahagi na ng bayan ng Bataraza. Ayon nga sa report ay wala itong tao at naglalaman lang ng limang kilong isda. Kaya nakipag-ugnayan kami kaagad sa Bataraza at kinumpirma naman ng kapitan ng Inogbong na si Mary Cress Alba na totoo nga ang
report,” pahayag ni Jazmin.
Ang kulay ng bangka ay asul, pula, at puti na nagtutugma sa iniulat ng pamilya ni Abela.
Nasisiguro din nila na taga-Brooke’s Point ang may-ari ng bangka dahil sa ang mga kulay ng bangka ay color coding ng naturang munisipyo.
“Madali ng matukoy sa ngayon kung tagasaan ang mga pumapalaot na mangingisda dahil sa color coding ng bawat bayan,” dagdag pahayag ni Jazmin.
Nasa Eastern Funeral Homes na ang bangkay ni Abela. Sinagot ng lokal na pamahalaan ng Brooke’s Point ang pag-iimbalsamo at kabaong nito.