BROOKE’S POINT, Palawan — Isang 10 taong gulang na batang lalaki ang nasa pangangalaga ng isang pamilya matapos itong makitang nag-iisa sa aplaya ng Tamlang, Barangay Saraza noong Hunyo 27.
Nanawagan si Alan Pahayahay, ang nakakita sa naturang bata, sa mga magulang nito at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang kunin ito mula sa kanila.
Ayon kay Pahayahay, hindi nila makausap nang maayos ang nasabing bata, at ito ay nagagalit tuwing siya ay tatanungin. Ang tanging sinasabi umano ng bata ay ang pangalan ng kanyang ama na isang “Daniel.”
“Nagwawala siya sa tuwing tatanungin at kukuhanan ng picture. Parang gusto ko na siyang ibalik sa tabing dagat kasi baka pati ako ay madamay pa sa kung ano ang problema sa batang ito,” pahayag ni Pahayahay.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, ayaw magsalita ang bata kung ano ang pangalan nito saan ito nakatira. Nakasuot umano ang bata ng t-shirt at short na kulay asul.
“Ayaw niyang magpakuha ng picture, umiiyak siya, at nagwawala kapag kinakausap,” ayon kay Kgd. Hermando Bagona.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, nai-report na nila sa DSWD ang insidente at hinihintay na lamang umano nila ang payo kung ano ang kanilang gagawin.
