Isang nasirang footbridge sa Barangay Caguisan sa bayan ng Narra ang pinagtulungang ayusin ng mga residente upang muli nilang magamit at may matawiran ang mga residente na nakatira sa magkabilang panig ng ilog.
Ang nasabing footbridge ay nasira matapos ang walang humpay na pagbuhos ng malakas na ulan dala ng low pressure area (LPA) sa lalawigan noong araw ng Linggo, October 24.
Nang humupa ang ulan ay nagsagawa ng gulpi-mano o bayanihan ang mga residente upang maayos at muling maikabit ang mga kahoy at kawayan na natanggal para muling magamit at matawiran ang nasabing footbridge.
Ayon kay Kgd. Jiovanie Gapuz ng Caguisan, ang tulay ay nagdudugtong sa dalawang maliit na komunidad ng Zone 1 at Zone 2 sa Caguisan proper.
Aniya, sa tuwing magkakaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan ay inaabot ito ng baha kaya laging nasisira.
“Lagi itong nasisira, kaya nag-gulpi mano na ang mga nakatira dito para maayos at madaanan ito ngayon ng mga kababayan natin,” pahayag ni Gapuz, Martes, October 26.
Ayon pa kay Gapuz, upang magkaroon ito ng pangmatagalang solusyon ay nagpasa na ng isang resolution ang Sangguniang Barangay ngayong buwan ng Oktubre upang makahanap ng pondo para sa pagpapagawa ng semi-concrete na tulay.
Paliwanag niya, ang kasalukuyang tulay ay pinagawa ng isang pribadong indibidwal na nagmamay-ari ng lupang kinatitirikan nito.
“Dahil private po ang tulay, kinausap na namin ang may-ari, para ang barangay na po ang magpapaayos at hindi na palaging masisira,” pahayag niya.
