Nagsagawa ng HIV testing and HIV awareness seminar ang Provincial Health Office (PHO) sa Palawan State University sa bayan ng El Nido, noong Miyerkules, February 15.
Sa datos ng PHO noong Disyembre 2022, nakapagtala sa lalawigan ng Palawan ng 250 cases ng HIV kung saan ang 26 dito ay nagmula sa El Nido.
Layon ng PHO na makapagbigay sa mga estudyante ng sapat na kaalaman at iba pang impormasyon patungkol sa sakit na HIV at AIDS, ang mga dapat gawin at iwasan, at ligtas na pakikipagtalik o safe sex.
Pagkatapos ng orientation and awareness sa mga ito ay nagsagawa rin ng libreng HIV test upang malaman ng mga ito ang kanilang status.
Katuwang ng PHO ang Department of Health (DOH) Center for Health Development (CHD)-MIMAROPA, Palawan State University, at El Nido Municipal Health Office (MHO).
Samantala, bilang pagpapalakas pa rin ng health services sa probinsya, noong Pebrero 14 ay nai-turn over na ang Mobile Health and Wellness Services (MHWS) CaraVan sa Provincial Government of Palawan (PGP) at launching mula sa programang Philippines Response in Optimizing Testing, Empowered Communities, Treatment and Sustainability (PROTECTS).
Ang MHWS caravan ay magkatuwang na itinataguyod ng Pilipinas Shell Foundation Incorporated (PSFl) at CHD-MIMAROPA bilang karagdagang suporta sa lalawigan ng Palawan sa pagpapaabot ng dekalidad na serbisyong medikal sa mga mamamayan.