Jul 13, 2020

Narra police, hindi pabor sa areglo sa kaso ng pananakit

Ayon sa panayam ng Palawan News kay P/Maj. Romerico Remo, hepe ng istasyon, hindi nila tatanggapin ang kasunduan dahil ang kaso ay direct assault na kung saan hindi pinapayagan ang pagkakasundo ng bawat panig.

NARRA, Palawan — Iginiit ng pamunuan ng Narra Municipal Police Station (MPS) na itutuloy pa rin nito ang kasong direct assault laban kay Kevin Vergara Ramel, na napaulat na nahuli sa bayang ito matapos masangkot sa panununtok ng isang barangay tanod.

Ayon sa panayam ng Palawan News kay P/Maj. Romerico Remo, hepe ng istasyon, hindi nila tatanggapin ang kasunduan dahil ang kaso ay direct assault na kung saan hindi pinapayagan ang pagkakasundo ng bawat panig.

“Nag-aareglo sila pero hindi tayo pumayag. Kasi sa mga ganyan, direct assault sa tanod wala yang amicable settlement. Kung physical injury ‘yan maaaring, direct assault kaya hindi,” ayon kay Remo.

“Kakasuhan yan sila. Unang una, sinabihan ko na sila, hindi naman sila mahuhuli kung hindi sila palasing-lasing, at lumalabas ng curfew. Hindi naman sila umimik, tapos kinabukasan nagsabi areglo na lang daw. Sabi ko hindi puwede iareglo yan kasi hindi naman na barangay level yan, baka makasuhan pa kayo diyan,” dagdag pa ni Remo.

Ayon kay Remo kinausap siya ni barangay chairman Roderick Aperocho ukol sa usapin. Aniya, muli nilang paaalalahanan ang pamunuan ng barangay upang maituloy ang kaso.

Ayon pa kay Remo, bukod sa direct assault upon a person in authority, lahat pa ng posibleng kaso ng suspek ay kanyang kahaharapin.

“Kaya siya nakalaya kasi reglamentary period lang yon, pero magiging regular filing ang kaso nito, at lahat pa ng possibleng kaso ay kahaharapin niya,” sabi ni Remo.

Matatandaan noong Miyerkules ng gabi nahuli ang suspek na si Ramel matapos parahin ng mga awtoridad dahil sa pagmamaneho ng lasing sa oras ng curfew. Ngunit imbes na sumunod ito ay nagpumilit tumakas at nadisgrasya, kaya’t dinala sa barangay hall ng poblacion na naging dahilan ng pag-alma nito na humantong sa pananakit sa tanod na si Mariano Serqueña Laguerta.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry