Isang bagong gusali ng Narra District Jail na nagkakahalaga ng P6 milyon ang pinasinayaan at pormal na isinalin ang pamamahala sa pamunuan nito noong may May 7 ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa panayam ng Palawan News, sinabi ni jail warden SJO4 Charlie Malitao noong Linggo, May 9, na ang bagong gusali sa Barangay Antipuluan ay may apat na detention cells o selda at iba pang pasilidad para sa kanilang pamamahala.

“Maganda ang gusali na ito para sa bagong Narra District Jail natin dito sa ating bayan. Nagpapasalamat kami sa local government unit (LGU) at sa BJMP dahil patuloy ang pagbibigay ng ganitong proyekto para sa mga persons deprived of liberty (PDL) natin. Katabi lang ito ng old building natin sa Antipuluan,” sabi ni Malitao.
“Masuwerte tayo kasi dito sa atin, kumpara sa ilang munisipyo, ay walang jail congestion dahil mayroon lamang tayong anim na PDL sa ngayon,” dagdag niya.
Ang bawat cell ay kayang lagyan ng maximum 40 na PDL at may malalaking pasukan ng hangin. Hindi masikip para sa mga nasa loob ng kulungan at hindi mainit para sa mga ikukulong dito, sabi ni Malitao.
Dagdag niya, may plano din siyang ilipat sa bagong selda ang kanilang anim na PDL na nasa lumang gusali ng Narra District Jail.
“Inihahanda lang natin ang silid at plano kong ilipat ang anim nating PDL sa bagong selda dahil well-ventilated sa bago. In total, we have 7 na selda — tatlong cell sa luma pero puwede nating ilipat ang anim natin sa bago at kung may PDL man na dito sa atin ilalagay baka dito na rin natin sa bago ilalagay,” sabi niya.
Samantala sa nasabing inaugural ceremony, naging bisita ng Narra District Jail si JSSupt. Ronaldo Senoc, ang siyang kasalukuyang jail provincial administrator sa Palawan.



