Sep 26, 2020

Narra, ibinalik ang paggamit ng quarantine pass

Ang kautusan ay nilalaman ng Executive Order No. 81 na ipinalabas noong Martes ni Mayor Gerandy Danao matapos ideklara ng pamahalaang nasyunal ang pananatili ng buong lalawigan sa ilalim ng modified general quarantine (MGCQ) hanggang June 30.

(Photo courtesy of DILG Narra)

 

 

Muling ibinalik ng bayan ng Narra ang paggamit ng quarantine pass ng mga residente nito bilang dagdag na pag-iingat sa posibilidad ng pagkalat ng COVID-19.

Ang kautusan ay nilalaman ng Executive Order No. 81 na ipinalabas noong Martes ni Mayor Gerandy Danao matapos ideklara ng pamahalaang nasyunal ang pananatili ng buong lalawigan sa ilalim ng modified general quarantine (MGCQ) hanggang June 30.

Sa dating Executive Order No. 78 ni Mayor Danao hindi na kailangan ang quarantine pass sa lahat ng mga taga Bayan ng Narra.

Ang pagbabalik ng quarantine pass ay nag-ugat sa kahilingan ng mga kapitan sa Municipal IATF na ibalik ito dahil na rin sa pagdating ng mga locally stranded individuals (LSIs) at Overseas Filipino Workers (OFWs) returnees.

“Kahilingan ito ng mga kapitan natin sa IATF na kung pwede, ibalik daw ang passes dahil syempre marami tayong dumarating sa bayan ng Narra na LSIs at ROFs. Naintindihan naman ng IATF nag-iingat din ang mga kababayan natin,” sabi ni Lemuel A. Mante, executive assistant I ni Danao.

Base sa gabay ng re-imposition ng quarantine pass sa Executive Order No.81, maaari pa ring gamitin ang dating passes noong panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) at ang mga wala ng passes ay maaaring kumuha sa kanilang mga barangay.

Ayon naman kay Leny Escaro, Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO), ang pagbabalik sa quarantine pass ay maaari ding may koneksyon sa regulasyong nagbabawal sa paglabas ng mga 21-years-old pababa at 60-year-old pataas.

“Hahanapin pa rin ang quarantine passes para madaling malaman kung sila ay nasa mga edad na pinapayagan o hindi. Ito’y bilang pagsunod sa utos ng national IATF at pag-iingat ng bayan ng Narra,” sabi ni Escaro.

Dagdag ni Escaro exempted sa quarantine pass ang mga dadaan lamang sa Narra kagaya ng mga bus na pampubliko at shuttle van at hindi na sila hahanapan ng pass.

“Ang iche-check lang naman sa mga boundary checkpoint ng Narra ay ang pagpapatupad ng 50 load capacity sa mga transportasyon ang hahanapan lang ng mga tanod o nagbabantay ay ang mga lumalabas o di kaya yong sabihin natin lumalabas na taga Narra tapos walang ipapakitang passes mula sa brgy natin,” dagdag ni Escaro.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry