Humigit kumulang 70 na puno ng langka ang itinanim ng mga kawani ng Narra District Jail (NDJ) sa bakuran ng Sandoval Elementary School (SES) sa bayan ng Narra noong araw ng Lunes, Mayo 24.
Ang aktibidad ay bilang suporta ng pamunuan ng NDJ sa National Greening Program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at bahagi rin ng Eco-Jail programs ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa panayam ng Palawan News kay Jail Officer 2 Marites Lozada, Community Relations Officer ng NDJ nitong Miyerkules, Mayo 26, sinabi niyang ang seedlings ng langka ay ibinigay sa kanila ng Narra Municipal Agricultures Office (MAO) upang itanim sa bakuran ng nasabing paaralan.
“We are thankful sa LGU, sa MAO na nagbigay sa atin ng seedlings ng langka na malaking tulong at suporta sa paaralan lalong-lalo na po sa NGP ng DENR,” pahayag ni Lozada.
“May mga paaralan pa dito na kahalintulad nito at tataniman namin ng puno ng prutas sa mga susunod na pagkakataon. Nandiyan naman ang MAO-Narra to help us, sa guidance din ng aming Jail Warden Charlie Palitao,” dagdag niya.
Ayon kay Lozada,matapos itong maitanim ay palagian din nila itong pupuntahan upang ma-monitor ang paglaki ng prutas, sa tulong din ng mga guro ng paaralan.
“Soon, kapag lumaki na ito at magiging produktibo, syempre mapapakinabangan ito ng ating mga estudyante sa paaralan,” paliwanag ni Lozada.
Samantala, noong araw ding iyon ay tumulong din ang mga kawani ng NDJ sa isinagawang brigada ng paaralan kung saan, sila ay naglinis ng bakuran at nagkumpuni ng mga sirang mga upuan at silid-aralan.
