NARRA, Palawan — Isang lalaki ang inaresto ng mga awtoridad matapos nitong tutukan ng baril ang isang barangay kagawad sa barangay Princess Urduja, Sabado ng gabi.
Kinilala ng Narra Municipal Police Station ang suspek na si Alvin Gabasa Rojas, 28, tubero, pansamantalang naninirahan sa nasabing barangay.
Ayon sa panayam ng Palawan News kay Barangay Captain Rizaldy Roman, sinita ng barangay kagawad na si Viloria Quinto si Rojas nang ito ay mapansing umikot ng ilang beses sa paligid ng kanilang lugar sakay ng isang motorsiklo.
“Noong sinita siya dahil daan ng daan, mabilis daw nagalit yong tao, hanggang sa binuksan niya ‘yong U-box niya, at kumuha ng baril, tinutok daw sa kaniya (Quinto),” pahayag ni Roman.
HInuli ng mga pulis ng Narra si Rojas sa isang boarding house na tinutuluyan nito subalit hindi na nakita ng mga awtoridad ang baril na umano ay ginamit nito.
Hindi rin umamin ang suspek sa nangyari.
“Ang katwiran niya hindi naman daw siya umalis sa bahay niya, at wala raw siyang ginawang ganun na panunutok. Hindi po ako naniniwala sa kaniya kasi ako mismo nagpara sa kaniya at nakilala ko siya,” ayong kay Roman.