Si nanay Mary Tan de Leon at ang kanyang anak na PDL sa Inagawan Sub-colony ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) na muling nagkita matapos ang 35 taon.

Matapos ang 35 taon ay naging emosyonal at madamdamin ang muling pagkikita ni nanay Mary Tan de Leon at ng kanyang anak na isang person deprived of liberty (PDL) sa Inagawan Sub-colony ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) bago mag pasko.

Huling nakita ni nanay Mary ang anak sa Cavite noong 1988, nang ito ay anim na taong gulang pa lamang. Umalis siya at iniwan ito matapos hindi makayanan ang pagmamalupit ng asawa.

Simula noon hindi na niya nakita pang muli ang anak, ayon sa kanya. Ang hindi niya alam, nasa Inagawan Sub-colony na pala ito matapos masentensyahan dahil sa kasalanan na nagawa.

Taong 2006 nang makulong sa IPPF ang PDL matapos mapatunayan ang paglabag sa Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Matagal din kitang hinanap, hinanap kita, hinanap ko kayo ni ate mo—kaya lang wala ako magawa kung hindi maghintay. Matanda na rin ako para makabalik-balik ng Manila para mahanap lang kayo, sa hirap ng buhay. Dito sa Palawan, mahirap din ang buhay dito,” pahayg ni nanay Mary sa kanyang anak sa muli nilang pagkikita.

Humihingi ito ng tawad sa anak sa tagal nang lumipas na panahon na sila ay nagkawalay. Nagdala siya ng regalo mula sa kinita sa kaniyang pinaglabada. Bagama’t mayroon na rin siyang bagong pamilya sa Palawan, ikinukwento niya ang anak sa mga kapatid nito sa Narra.

Ayon kay CTO II Levi Evangelista, sa ngayon ay nakatira na si Mary sa bayan ng Narra kung saan niya nakilala si Kgd. Amelia Gimpaya na asawa ng isa sa mga empleyado ng IPPF na nakatulong maiugnay ang dalawa.

Ito rin ang unang pagkakataon na may nangyaring pagkikita ng pamilya sa IPPF makalipas ang mahabang taon. 

“Nakikita natin na malaking bagay sa mga PDL ang madalaw ng mahal sa buhay at malaking bagay na nakakatulong sa reformation. At dahil nga dyan sa tulong din ni Kagawad Amelia Gimpaya na nakipag uganayan sa atin ay agad tayo nag-verify sa pagkakakilanlan ng PDL at we found out na naka-assign sa Inagawan,” ayon kay Evangelista.

About Post Author

Previous articleMga kabataan sa Brgy. Tinagong Dagat, nakatanggap ng pamasko mula sa SK
Next articleBatang Pinoy 2022’s ‘most bemedaled athlete’ is Puerto Princesa’s Miguel Adrian Carlos, 12
is one of the senior reporters of Palawan News. She covers agriculture, business, and different feature stories. Her interests are collecting empty bottles, aesthetic earrings, and anything that is color yellow.