Sep 29, 2020

Nanampal ng traffic enforcer sa Coron, tutuluyan ng kaso

Dagdag ni Timbancaya, katanggap tanggap pa ang mga maaanghang na salita na manggagaling sa kanila ngunit ang pananakit ay hindi nila palalagpasin.

Sasampahan na ng kasong “slander by deed” at “indirect assault” ang isang babaeng nakuhanan ng video noong Lunes ng umaga sa bayan Coron na nanampal ng isang traffic enforcer matapos sitahin dahil walang itong suot na facemask.

Kinumpirma ni P/Maj. Thirz Starky Timbancaya, Lunes ng gabi na kakasuhan nila si Renalyn Tan Pe, 40 na residente ng Poblacion 6 dahil sa pananampal sa traffic enforcer na si Anthony Lachica Sanicoy.

“Nakaprepare na kami ng mga documentation at baka bukas maayos na ang lahat, we have time until tomorrow,” ani Timbancaya.

Nangyari ang insidente 9:45 ng umaga sa Barangay Poblacion 6.

Sa naunang panayam kay Timbancaya, ipinaliwanag nito na naka-duty ang nasabing traffic enforcer kasama ng ilang barangay officials, tanod at kawani ng Philippine National Police (PNP) nang sitahin ang babae dahil sa wala itong suot na facemask. Nagalit umano ang babae, bumaba sa motorsiklo, tinutulak at sinuntok umano ito, Umalis naman ang babae, bumalik at sa pagbalik nito, dito na nasampal ang biktima.

Dagdag ni Timbancaya, katanggap tanggap pa ang mga maaanghang na salita na manggagaling sa kanila ngunit ang pananakit ay hindi nila palalagpasin.

“Gusto ko lang iparating sa mga tao. Kagaya ng nangyari kanina, mukhang kaya pang tanggapin at pagbigyan siguro ang mga maanghang na salita pero ‘yong magkakasakitan na, ibang usapan na ‘yon at handa tayong kasuhan ang ganyang mga tao,” ani Timbancaya.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry