Namatay na ang mangingisda na na-rescue sa Barangay Mangsee Island sa bayan ng Balabac noong hapon ng Biyernes, Enero 15.
Ayon kay Reslee Kibad Sarail, ang siyang nag-post ng impormasyon sa kanyang Facebook account tungkol sa pagkaka-rescue dito, namatay Sabado (Enero 16) ng madaling araw ang mangingisda na kinilala diumano bilang si Willingson Empasis, alyas “Iting”.
“Hindi daw nakayanan ni manong ang sobrang lamig at hirap din siya sa paghinga,” ani Sarail sa panayam ng Palawan News.
Ayon pa kay Sarail, naipagbigay alam na ng mga opisyales ng barangay sa istasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Balabac ang tungkol sa nangyari kay Empasis.
Noong Enero 15 natagpuan si Empasis ng isang mangingisda rin na palutang-lutang sa karagatan sa bisinidad ng Mangsee. Hapong-hapo ito at walang saplot, at may mga maliliit na sugat sa katawan, ayon sa pagkukuwento ni Sarail sa kanyang post.
“Sinubukan pong iakyat si manong ng mangingisda [sa bangka niya], subalit di niya nakayanan, kaya iniwanan niya muna saglit para puntahan ang iba pang mangingisda na malapit sa kinaroroonan nila. Nagsumamo si manong na iligtas siya kasi akala niya iiwanan siya at hahayaan na lang magpaanud-anod,” sabi ni Sarail.
Hindi nagtagal ay natulungan ito at dinala agad sa mismong isla ng Mangsee kung saan nagtulong-tulong ang mga barangay official, PCG personnel, at health workers na mailigtas ito. Dinala ito sa barangay hall kung saan ang mga health worker ang nag-asikaso para ito ma-dextrose.
Nagising umano si Empasis bandang alas singko ng hapon ng Enero 15 at sinabi nga nito na siya ay taga-Barangay Sta. Monica.
Sa post ni Sarail na mayroon ng mahigit 1,600 shares, may mga netizens na nagsabi na may kasama ito na diumano ay nagngangalang Jongjong Bato.