QUEZON, Palawan — Napilitan na ang mga magtitinda ng karne ng baboy sa bayan na ito na tapatan ang presyo ng live weight buyers na nasa labas ng Palawan para mayroong maibenta sa mga residente.

Ito ay sa dahilang ang mga lokal na nag-aalaga ng baboy ay hindi na nagbebenta sa kanila kaya’t apat na araw nang sarado ang kanilang mga puwesto sa palengke.

Sa panayam ng Palawan News noong Miyerkules kay Gemma Armeza, isa sa mga meat vendor, noong January 25 pa sila walang maitindang karne ng baboy. Wala umano kasing local grower ang gustong tanggapin ang iniaalok nilang presyo para sa live weight na P120 kada kilo.

Ayon sa kanya, P150 ang benta ng local growers sa kanilang bayan sa mga middlemen ng outside buyers kaya wala silang makuha na makakatay.

“Dahil wala kaming mabiling live na baboy, napilitan kaming hindi na magtinda. Lahat po kami na pork vendors dito, wala kaming tindang karne ng baboy talaga simula noong Lunes,” sabi ni Armeza.

Para muling makapagbenta, sabi ni Armeza ay nagpulong silang lahat noong January 26, kasama ang Municipal Price Coordinating Council (MPCC) na pinangunahan ng Municipal Economic Enterprises and Development Office (MEEDO) at ng Municipal Agricultures Office (MAO) para idulog ang kanilang problema.

Aniya, inaprobahan ng MPCC na pansamantalang itaas nila ang presyo ng bilihan ng live weight sa baboy at ipatupad ang ilang regulasyon na may kinalaman sa presyo ng kanila ring pagbebenta.

“Napagkasunduan na po lahat na itataas namin ang presyo sa live pig namin at konting taas din sa presyo ng karne sa pagbebenta namin. Simula ngayong Sabado (January 30), may tinda na po kami. May kausap na rin akong mabibilhan ng live pig dito,” sabi ni Armeza.

Ayon naman kay Atty. Ryan Pacabis, ang pinuno ng MEEDO ng Quezon, batid ng lokal na pamahalaan ang problema ng local meat vendor kaya agad silang nag-aproba ng bagong patakaran para masolusyunan ito.

Napagkasunduan sa meeting na itataas din nila ang buying price sa live weight sa P150 mula sa halagang P120 kada kilo. Ang mga local meat vendor naman ay maaaring magpatong ng P30 sa lumang presyo o P250 mula sa P220 kada kilo.

“Nakita talaga natin ang problema nila kaya’t ang body po ay nag-approve na itaas ang presyo ng karne at itaas din nila ang bilihan nila sa live weight ng baboy. Ito ay para matugunan ang problema at magkaroon ng availability ng karne dito sa ating bayan,” sabi ni Pacabis.

Nilinaw ni Pacabis na ang pagbabagong ito ay magtatagal lamang ng isang buwan upang mamonitor ng MPCC kung magkakaroon ng pagbabago at kung dapat ba na muling ibaba ang presyo ng karne.

Ayon pa sa kanya upang hindi masira ang kanilang ginawang aksyon, ipapatupad ng MPCC simula Pebrero ang mahigpit na monitoring sa mga neighboring borders ng Quezon sa Quinlogan, Pinaglabanan, at Berong para hindi makapasok ang mga outsider buyer.

“Magkakaroon ng mahigpit na pagbabantay sa tatlong borders na binanggit natin para wala talagang buyers ng live pig from outside. Kailangang masunod talaga yong priority na bibili sa local raisers ay yong local buyers din natin. Naniniwala tayo and hoping na after one month na monitoring ay maibabalik natin ang [presyo] sa dati,” sabi niya.

 

 

About Post Author

Previous articleDTI says curtailing irregular price increases is task of local price councils
Next articleSuspek sa nakawan sa San Vicente, kinasuhan na
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.