Walo na sa kasalukuyan ang locally stranded at overseas Filipino worker (OFW) returnees na mayroon ang bayan ng Balabac simula ng umpisahan ang pagpapabalik nila sa kanilang mga probinsya, ayon sa pahayag ng disaster risk reduction management office nito.
Ayon sa pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na si Mitra Tanjilani, noong July 2 lang ay dumating ang dalawang lalaki na kauna-unahan nilang OFW returnees na sinundo sa Puerto Princesa.
Ang isa ay OFW returnee mula sa Caribbean, samantalang ang isa naman ay nagmula sa Brunei.
“June 22 pa nasa Puerto Princesa itong male overseas worker natin galing sa Caribbean at dalawang araw na lang din ang gugugolin niya sa facility natin ay makukumpleto na rin niya ang requried na 14 days quarantine. Negative naman sa RT-PCR test. Ang isang new arrival mula Brunei ay kakarating lang noong July 1,” sabi niya.
Nilinaw ni Tanjilani na kahit na sa July 5 na matatapos ang OFW mula sa Caribbean, kahit tapos na ang 14 days at isasailalim pa rin ito sa rapid diagnostic testing. Kung magne-negatibo siya ay puwede nang pauwiin at isailalim sa dagdag na 10 days home quarantine sa kanyang barangay na uuwian.
Aniya, imo-monitor na lang ito ng kanilang BHERT o Barangay Health and Emergency Response Team.
Tatlo namang LSIs sa bayan na ito ang gra-graduate na mula sa required na 14 days quarantine habang ang ibang tatlo naman ay naka-quarantine pa rin.
Ayon kay Tanjilani, isa ang Balabac sa may pinakamababang LSIs/ROFs arrival sa 23 na mga munisipyo sa lalawigan.