Pinaalalahanan ng municipal inter-agency task force (MIATF) ng Busuanga ang mga negosyante sa kanilang bayan na nagbebenta o nagdadala ng iba-ibang produkto, kasama na ang isda, na walang sapat na pahintulot mula sa kanila kapag bumibiyahe sa mga kalapit probinsya ng Mindoro at Cebu.
Ayon kay Mayor Elizabeth Cervantes noong Biyernes sa panayam ng Palawan News, nakahanda silang papanagutin ang mga bumibiyahe na walang medical certificate mula sa municipal health officer nila.
Aniya, maraming report mula sa mga barangay na nagsasabing may mga bumibiyahe para mag-benta ng isda sa Mindoro at Cebu pero walang kaukulang medical certificates para tiyakin na sila ay walang COVID-19 at hindi makakahawa sa sino man na kanilang makakasalamuha.
“Pahihigpitan natin ang monitoring katuwang natin ang Philippine Coast Guard (PCG) at mga kapitan upang mabantayan ang ilang mga mangangalakal na lumalabas ng ating bayan at nagtutungo sa ilang mga kapitbahay na probinsya kagaya ng Cebu at Mindoro,” pahayag ni Cervantes.
“Halimbawa nais nilang magbenta ng mga isda sa Mindoro o Cebu, maaaring may makasalamuha sila doon, siyempre uuwi sila sa kanilang pamilya at dahil doon, baka magkakaroon tayo ng paghawa. Lahat naman tayo ay nag-iingat, maging ang lugar na pupuntahan. Kailangan ng medical certificate manggagaling sa ating health authorities para siguradong ligtas sila,” dagdag niya.