Patuloy na selebrasyon ng Women's Month hanggang sa matapos ang buwan ng Marso sa bayan ng Sofronio Española. | Photo by MSWDO Sofronio Española

SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Kasalukuyang nakikipag ugnayan ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa mga kababaihan ng bayang ito upang mabigyan sila ng sapat na kaalaman tungkol sa kanilang karapatan bilang babae at ilaw ng tahanan na bahagi ng selebrasyon ng buwan ng Marso bilang Women’s Month.

Ayon sa hepe ng MSWDO na si Grace dela Torre noong Biyernes (Marso 19), apat na sa siyam na barangay ng Sofronio Española ang kanilang naikot para magsagawa ng mga selebrasyon para sa Women’s Month simula noong Marso 16.

Mga dumalo na kababaihan sa selebrasyon ng Women’s Month ngayong Marso. | Photo by MSWDO Sofronio Española

Ang mga barangay na ito ay ang Abo-Abo, Isumbo, Panitian, at Labog, kung saan ang mga kababaihan ay kinapanayam para ipaalala sa kanila ang kanilang kahalagahan.

Target ng MSWDO na tapusin ang pag-iikot sa lima pang barangay ng Punang, Iraray, Pulot Interior, Pulot Center, at Pulot Shore bago ang huling linggo ng Marso.

“Yearly ay ipinagdiriwang ang buwan ng kababaihan para maipaalala sa lahat ang kahalagahan naming mga babae. Ito rin ang pagkakataon para ma-remind ang aming mga kababaihan tungkol sa kanilang mga karapatan na may kaakibat na responsibilidad,” sabi ni Dela Torre.

“Mayroong simpleng program para mabigyan ng pagkakataon na makapagbigay ng mensahe ang mga invited guests, pagkatapos ay puro lecture — may tatlo kaming invited na pastor para mag-discuss ng sanctity of marriage o ang kabanalan ng pag-aasawa at how to become a good parent,” dagdag niya.

Sa kanilang mga isinagawang aktibidad sa mga barangay ay ipinaliwanag din ni Dela Torre ang tungkol sa Violence Against Women and Children o VAWC na sa palagay niya ay dapat mas lalong maintindihan ng mga kababaihan ng Sofronio Española.

Ayon pa sa kanya, nagsagawa sila ng mga pagpapaliwanag kung ano nga ba ang karapatan ng mga babae at ano ang dapat nilang gawin kapag sila ay naaabuso ng kanila mismong asawa.

Ipinagkaloob din sa kanila ang P4,500 na kanilang magiging karagdagang pondo sa kanilang KALIPI organization o Kalipunan ng Liping Pilipina na inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Bawat KALIPI Organization sa barangay ay binigyan namin ng tag-P4,500 bahala ng mag-usap ang samahan kung ano ang gagawin nila sa pera kasi medyo maliit lang pero karamihan idadagdag daw sa pondo ng samahan,” sabi ni Dela Torre.

Previous articleTatlong mangingisda, arestado dahil sa pangunguha ng abalone shells sa Culion
Next articleGov’t vows to protect sovereign rights over West PH Sea
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.