Nabawi ng isang residente ng Dumaran ang kanyang ninakaw na motorsiklo noong Miyerkules, Pebrero 3 sa impounding area ng City Traffic Management Office (CTMO) sa Puerto Princesa matapos itong ma-impound noong Enero 23 mula sa lalaking hindi nakikila at walang maipakitang kahit ano mang dokumento ng pag-aari.
Ayon sa may-ari ng motorsiklo na si Eduardo Navarete. ninakaw sa kanyang bahay sa Barangay Tanatanaen, Dumaran ang kanyang motor noong Disyembre 30 ng nakalipas na taon.
Laking pasasalamat ni Navarete sa tulong ng ilang netizens na naging daan para mabawi niya ang kanyang motorsiklo na na-impound ng mga traffic enforcers matapos silang magsagawa ng operasyon sa national highway papasok sa Puerto Princesa mula sa norte noong Enero 23.
“Mayroong kakilala ang may-ari ng motor sa Puerto, tapos sa mga grupo-grupo sa social media. May nagsabi sa kanya na may na-impound na motor na tugma sa details na binigay niya,” pahayag ni P/CMS. Frederick Cayao, chief investigator ng Dumaran Municipal Police Station (MPS).
Dahil walang dalang kaukulang papel, kinumpiska ng CTMO ang motor at binigyan ng traffic violation ticket ang suspek.
“Wala siya maipakitang ID, lisensya, o kahit anong mapagkakakilanlan,” ani Cayao.
“Nalaman din namin na gumamit siya ng alyas para hindi makilala,” dagdag niya.
Napag-alaman din mula kay Navarete na hindi taga-Dumaran ang suspek at nagbakasyon lang doon mula sa bayan ng Narra. Maliban sa suspek na tumangay ng motorsiklo, isa pang hindi pinangalanang lalaki ang itinuturong kasabwat sa pagtangay nito.
“Carnapping ang isasampa natin sa tumangay ng motor, tapos may isa pa siyang kasama na taga-Dumaran. Iyong tinuluyan niya doon,” saad ni Cayao.