Isang motor at ambulansya ng bayan ng Roxas ang nasangkot sa banggaan Barangay San Miguel, lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa police report na ipinadala ng Police Station 2 (PS2) sa Palawan News, bandang 6:36 ng umaga, Lunes, Marso 30, 2020, isang Suzuki Rider na itim ang minamaneho ni Jastin Joven Samosa, 23, residente ng naturang barangay ang nakabanggan ng ambulansya ng bayan ng Roxas na minamaneho ni Albert Orceo Bungay, 33, residente ng Brgy. 2, Roxas.
Batay sa inisyal na report ng PS2, galing ang ambulansya sa national highway, Brgy. San Pedro at patungo sana ito sa isang ospital sa lungsod dahil sa “emergency purpose,” habang ang motor naman ay galing sa Malvar Street.
Pareho umanong mabilis ang takbo ng dalawang sasakyan habang patawid ng intersection ng national highway corner Wescom Road, Brgy. San Miguel.
Malubhang nasugatan si Samosa na agad na isinugod sa Ospital ng Palawan (ONP) habang si Bungay ay nasa kustodiya ng Police Station 1 para sa patuloy na imbestigasyon.