Nov 29, 2020

Motorcycle riders na dumadaan sa BM Road, pinag-iingat ng pulisya

Ayon kay P/Lt. Ray Aron Elona, acting chief of police ng City Police Station 1, pina-iigting nila ang pagpapatrolya sa lugar at sa mga kalapit nito habang iniimbestigahan ang kaso ng pamumukpok sa tatlong nabiktima kamakailan na ini-report sa kanila.

Pinag-iingat ng pulisya sa Puerto Princesa City ang mga motorcycle rider na dumadaan sa BM Road na sinasakop ng mga barangay ng San Pedro at San Manuel dahil sa grupo ng tatlong kalalakihan na nanghaharang at nananakit sa pamamagitan ng pamumukpok ng bato sa ulo ng nabibiktima.

Ayon kay P/Lt. Ray Aron Elona, acting chief of police ng City Police Station 1, pina-iigting nila ang pagpapatrolya sa lugar at sa mga kalapit nito habang iniimbestigahan ang kaso ng pamumukpok sa tatlong nabiktima kamakailan na ini-report sa kanila.

Ayon kay Elona, kilala na ng mga awtoridad ang tatlong suspek at patuloy silang nag-iimbestiga para arestuhin ang mga ito.

“Tumityempo din talaga itong mga suspek na ito na wala yong ikot ng ating mga pulis. Ang magiging action taken namin dito is paiigtining namin sa area ang pagpapatrolya,” ayon kay Elona.

“Definitely, kung sino ang mga suspek sa unang mga insidente, malamang sila din ang suspek sa ngayon,” dagdag niya.

Sa ngayon ay kopya na lamang ng CCTV ang kanilang hinihintay na makuha para mabiripika ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Idinagdag niya pa na may mga nakikipag-cooperate na sa kanila para maresolba ang kaso ng panghaharang at pamumukpok ng bato.

Sa talaan naman ng dalawang barangay, tatlong lalaki na ang naging biktima ng mga ito, at ang pinaka bago ay naganap noong October 31.

Biktima si Jerry Boy Nillasca na hinarang, pasado alas dose ng nasabing araw, habang sakay ang motor. Hinarang ito at ang dalawang sakay na kaibigan at saka pinaghahampas sila ng bato sa may Reynoso Store, BM Road, sa San Manuel.

Kasama niya sina Jeorge Abawag at Jason Abrina. Nakatakbo si Abrina bago pa ito maatake ng mga suspek.

“Bandang alas dose o pa ala una na po yon, naghahatid na ako ng mga kaibigan ko palabas ng BM Road, papunta ng bandang Citadel. Sa pangalawang balik ko na yon, may naihatid na akong dalawa na nauna, tapos pagbalik ko, yong dalawang kaibigan ko nanaman po. Yon na hinarang na kami sa BM ng tatlong lalaki,” pahayag ni Nillasca.

“Tapos paghinto ko ng motor, pag-stand ko, bigla na akong sinapak ng bato na naiwasan ko. Doon sa kasama ko tumama (Jeorge). Medyo naka-cover ako ng ulo, hinawakan ako ng isa, pero yong isa nag-pukpok sa ulo ko hanggang sa bumagsak na ako,” dagdag niya.

Sabi ni Nillasca, hindi niya kilala ang mga suspek at wala rin itong kaaway bago ang pangyayari. Sa pagkakaalam niya ay hindi rin sila ang unang naging biktima ng mga suspek sa lugar.

“Sa tingin ko, trip lang po talaga nila kasi hindi lang isa o dalawang beses ito nangyari. May mga naunang reklamo dito sa kanila na kaparehas din, ulo din po ang mga tama,” ayon pa kay Nillasca.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry