Nasawi ang isang motorcycle rider sa aksidente na naganap sa pagitan ng alas singko at alas sais kahapon, Marso 13, sa national road sa New Village, Barangay Tagburos.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay wala pang ulat mula sa pulisya ang nangyaring aksidente, ngunit ayon sa nakuhang impormasyon ng Palawan News, ang biktima ay si Jeffy Jamito, o mas kilala bilang si Borjam Fernandez, 35. Ang drayber naman ng traysikel ay kinilalang si Gregy Prioles Cabañero.
Bumangga diumano ang kanyang motorsiklo sa traysikel dahil mabilis ang kanyang takbo. Tila hindi rin umano niya napansin ang papaliko na traysikel sa New Village.
Sa lakas ng impact ng banggaan, maging ang traysikel diumano ay tumaob at saka tumagilid sa kalsada, habang si Jeffrey ay tumilapon mula sa kanyang motorsiklo. Dinala ito sa Ospital ng Palawan (ONP), ngunit idineklara nang dead on arrival (DOA) nang sumuring doktor.
Si Jamito ay kilalang founder at presidente ng RRR 150, isang samahan ng mga motorcycle riders, na namamahagi ng mga tulong sa mga mahihirap.
Samantala, ayon sa nakatatandang kapatid nito na si Randy, magsasampa sila ng kaso laban sa drayber na si Cabañero dahil sa naniniwala silang may kapabayaan ito.
“Kakasuhan ko, yun ang inaasikaso ko ngayon. Kung hindi siya naging pabaya (traysikel driver) sa pagda-drive walang buhay na nasayang,” pahayag nito sa Palawan News.
Aniya, galing sa bahaging norte si Jeffrey dahil nag-test drive ito ng kanyang bagong motorsiklo bago naganap ang aksidente.
