Makikita sa larawan Mula kaliwa sina Municipal Administrator Edgar Lacandazo, MPDO-Joey Piramede, Dr. Boyet Leoncio, Mayor Cesareo Benedicto Jr., Dra. Elvie Soriano, Dra. Elsa Sagrado at MSWDO Reynato Bacosa

Isang kasunduan ang nilagdaan noong Martes sa pagitan ng lokal na pamahalaan at tatlong pribadong ospital sa Brooke’s Point upang mas mapalakas ang serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan nito.

Layunin ng nilagdaan na memorandum of agreement (MOA) na mapagtibay ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at ng Leoncio General Hospital, Beracha Hospital, at Sagrado Hospital bilang service providers ng tulong medikal para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

“Ito ay formal agreement para payagan tayong magkaroon ng credit line kung may mga taong lumalapit sa atin para humingi ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot at kanilang hospital bill,” ayon kay Brooke’s Point Mayor Cesareo Benedito Jr .

Nagpasalamat naman ang mga may-ari ng  tatlong pribadong hospital dahil bagamat matagal na nilang ginagawa na tumanggap ng promissory note mula sa iba’t ibang ahensya ay kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng pormal na kasunduan ang mga ito at ang lokal na pamahalaan.

“First time na magkaroon ng MOA signing between LGU at sa aming hospital, mas maganda ito kasi nakikita natin na ang LGU ay pinangangalagaan ang credibility sa obligasyon sa hospital,” ayon kay Dr. Boyet Leoncio ng Leoncio General Hospital.

Wala namang problema sa umiiral na pagpapautang ng mga hospital sa lokal na pamahalaan ng Brooke’s Point dahil updated ang pagbabayad nito sa kanilang mga obligasyon.

“So far wala kaming problema sa LGU Brooke’s Point dahil nagbabayad ng maayos, unlike sa iba na pinutol na muna namin dahil taon na ang nakalipas di pa rin nababayaran ang kanilang obligation,” ayon naman kay Dr. Elvie Soriano