Inaresto ng pulisya ang isang lalaking sinasabing miyembro ng Tiger Based Unified Command (TBUC) ng Moro National Liberation Front (MNLF) dahil sa hinalang pagtutulak ng droga noong gabi ng ika-10 ng Hunyo sa Purok Magalang, Brgy. Sta. Monica.

Kinilala ito ni PLt. Ray Aron Elona, ang tagapagsalita ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 1, na si Reyhan Peñalosa.

Sabi ni Elona, nakabili ang kanilang asset ng pinaghihinalaang shabu kay Peñalosa kaya ito inaresto.

Nakumpiska mula sa kanya ang isang pakete ng sinasabing shabu at ang marked money na P500 na ginamit sa buy-bust.

Pero depensa ni Peñalosa, hindi sa kanya ang pakete ng shabu na nakuha.

“Hindi sa akin ‘yan. Wala nga akong pera, bakit nagkapera na yan dyan? Lumang tugtugin na ‘yang mga tanim-tanim na ‘yan. Alam ko na ‘yan,” sabi ni Peñalosa.

Ipinaliwanag niya na nakikipag-inuman lang siya sa mga kaanak at nang umalis na siya ay may bigla na lamang daw na humarang sa kanya.

Hindi rin naman raw siya gumagamit ng ipinagbabawal na droga.

“Nakikipag-inuman lang ako sa mga pinsan ko sa Iratag, nagulat na lang ako bigla akong dinakma ng mga pulis na ‘yan,” pahayag niya.

Dahil sa nakitang ID sa kanya ng Bangsamoro Republic, sinabi din ni Peñalosa na miyembro siya ng MNLF.

Nasa kustodiya siya ngayon ng PPCPO Station 1 para sa karampatang disposisyon ng kanyang kaso.

About Post Author

Previous articleHOMES
Next articleWanted businessman nabbed in El Nido