SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Muling nanawagan ang Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) ng bayang ito sa mga mamamayan, partikular sa Barangay Pulot Center, para sa patuloy na pakikipagtulungan para hindi lumala at tumaas ang local transmission case ng COVID-19.

Kabilang sa panawagan ng MIATF ang kahilingan na patuloy  na sundin ang mga alituntunin kagaya ng pagsunod sa itinakdang curfew hours at pag-iwas sa mass gathering at ang pagpapaliban ng pagtungo sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Ang panawagan ay inihayag ng MIATF matapos na magtala ang bayan ng tatlong kaso ng local transmission ngayong buwan ng Abril sa Pulot Center na siyang sentro ng bayan.

Dalawa sa tatlong kaso ay naitala nitong araw ng Huwebes, Abril 29, na kinabilangan ng dalawang lalaking edad 24 at 21, at ang isang kaso naman ng 46 taong gulang na babae noong nakalipas na linggo.

Ayon kay Dr. Rhodora Tingson, municipal health officer, ang mga nasabing indibidwal ay pawang may travel history sa  Puerto Princesa kung saan sa kasalukuyan ay mataas din ang bilang ng kaso ng COVID-19.

“Unrelated case itong dalawang bago Local Case No. 2 natin. May travel history to Puerto Princesa, 1st week ng April at silang tatlo ay galing sa Puerto,” paliwanag ni Tingson.

Dagdag pa ni Tingson, nakasalalay sa disiplina sa sarili at pagiging masunurin sa health and safety protocols ang dapat pairalin ng mga mamamayan ng Sofronio Española upang hindi na madagdagan ang kaso ng local case maging ang pagkahawa sa mga puwedeng makasalamuha nila na nagdadala ng virus.

Dapat din aniyang sundin ang mga kautusan na palaging ipinapaalala sa mga residente na huwag ng magtungo sa Puerto Princesa kung hindi ito essential travel at kung importante man ang pakay nito sa lungsod at nakauwi na sa bayan na ito ay agad na mag-home quarantine at mag-report sa barangay kung nakakaramdam man ng mga sintomas ng COVID-19 katulad ng ubo, sipon, lagnat at hirap sa paghinga.

“Hinihingi namin ang kooperasyon ng lahat para maiwasan ang pagkalat ng COVID sa ating bayan, makipagtulungan tayo sa contact tracing activity na ginagawa ng barangay at ng RHU (Rural Health Unit),” ani Tingson.

“Sa mga may nakasalamuha naman na mga galing sa Puerto Princesa City o mismong nagbyahe, mag-self quarantine muna tayo sa loob ng dalawang linggo. Makipag-ugnayan sa inyong mga midwife sa brangay kapag may anumang sintomas na mararamdaman, para agarang ma-assess,” dagdag niya.

Sa huling tala ng MIATF, mayroong 52 na COVID-19 suspect case ang kanilang binabantayan, habang 17 naman ang kabuuang naitalang confirmed cases at tatlo rito ang aktibong kaso.

About Post Author

Previous articlePuerto Princesa Inter-Agency Task Force to appeal for MECQ if COVID-19 cases continue to rise
Next articleInformation campaign ng MBLT 3, isinagawa sa El Nido
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.