Nagpaalala ang Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) sa bayan ng Balabac sa mga negosyante na may mga lantsa para mamili ng suplay ng pagkain at ibang produkto sa Kudat, Sabah, Malaysia na kailangan nilang sundin ang mga health protocols para maiwasan ang coronavirus disease.
Ayon kay Mitra Tanjilani, vice chairman ng MIATF sa Balabac, dapat limitahan ng mga negosyanteng may-ari ng mga lantsa ang oras na kanilang ipinamamalagi sa Kudat para maiwasan ang COVID-19.
Dapat din nilang limitahan ang bilang ng kanilang mga pahinante at crew dahil maliit lang ang espasyo sa lantsa.
“Mas maganda dalawa hanggang tatlo lang ang crew ng lantsa natin na nagtutungo sa merkado ng Kudat. Payo din natin sa mga negosyante na huwag tumagal sa Kudat para mamili. Ibayong ingat bagama’t alam natin na maging sila ay nag-iingat din,” ayon kay Tanjilani noong Linggo sa panayam sa Palawan News.
Aniya, kung gagabihin naman sa pag-aangkat ng produkto, mas mainam na sa mismong lantsa matulog at huwag sa mga kamag anak o kakilala.
Bilang protocol ng IATF sa mga lantsa sa Balabac na nagtutungo sa Kudat, kailangan nilang mag-fill up ng inihandang manifesto at dokumento kung saan silang barangay nanggaling sa Balabac.
“Importante ang manifesto para alam ng ating mga barangay kung sinu-sino ang mga umalis sa Balabac patungong kudat. Hindi naman natin hinihingi, pero halimbawang nagkaroon tayo ng transmission ay mas madali ang tracing para sa kanila,” pahayag pa ni Tanjilani.