Nagsagawa ng tatlong araw na medical mission, kung saan nagbigay ng libreng serbisyong medikal at pangkalusugan, ang pamahalaang bayan ng Taytay sa mga residente ng mga barangay ng Casian at Debangan noong Mayo 5-7.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni assistant municipal health officer Dr. Genevieve D. Ragay katuwang ang mga program coordinator na sina Ma.Theresa O. Mendoza, Arlene C. Gratil, Karen Pe, Charlie Faustino, Ma. Estefania Tejano.
Sa unang araw ng programa ay nagsagawa ng purified protein derivative (PPD) test at consultation sina Ragay at Gratil para sa mga batang may edad na 0-4 taong gulang na exposed sa sakit na tuberculosis (TB). Nasa 20 na bata ang nagpa-konsulta at 40 ang isinailalim sa PPD test.
Nagkaroon din ng oryentasyon tungkol sa Sinovac vaccine para sa mga community volunteer health workers (CVHW) ng dalawang barangay na agad namang sinundan ng pagbabakuna sa kanila at sa mga senior citizen ng Brgy. Casian.
Isang family planning lecture naman ang isinagawa at pagkatapos ay nasa 58 na kliyente ang nagpatanggal at nagpalagay ng implant. Sa dami ng kliyente ay inabot ng hanggang gabi ang nasabing gawain.
Sa pangalawang araw ng aktibidad naman ay isinagawa ang Buntis Congress kung saan nagkaroon ng laboratory exam at consultation sa mga buntis. Kasabay nito ay binigyan din sila ng libreng vitamins at iba pang mga gamot para sa may nakitaan ng komplikasyon.
Nagbigay din ng counseling para sa mga buntis si Mendoza na nakatalagang program coordinator ng Maternal and Child Health Program ng MHO. Siya ay nagbigay ng mga payo at gabay kung paano haharapin ang pandemya at pabago-bagong klima sa panahon ng kanilang pagbubuntis.
Pinagkalooban din ng hygiene kits ang nasa 30 na buntis na dumalo.
Samantala, nagkaroon din ng HIV-AIDS symposium para sa mga kabataang edad 13-19, na karamihan ay miyembro ng 4Ps. Paulit-ulit na nagbigay ng payo si Mendoza sa kanila na isiping maigi ang kanilang magiging kinabukasan.
“Wag piliin ang panandaliang sarap, unahin muna ang magagandang pangarap,” payo ni Mendoza. “Isip-isip before unzip,” dagdag pa niya.
Nagsagawa rin ng Hypertension and Diabetes re-orientation si Pe, kasunod ang Sinovac orientation at vaccination para sa mga senior citizen ng Brgy. Debangan.



