Nag negatibo ang mga kawani ng Brooke’s Point District Jail (BPDJ) sa isinagawang random drug testing na isinagawa noong Lunes, Pebrero 20.
Ayon sa BPDJ, ito ay buwanang aktibidad upang masigurong ligtas sa droga ang kanilang mga tauhan at bilang pagtugon na sa panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa drug reduction campaign ng ahensiya.
“As part of the Bureau’s campaign to continue stern cleansing of its facilities and to support the DILG’s Drug Demand Reduction Campaign “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” or the BIDA Program,” pahayag ni Jail warden JCINSP Ariel Pabulayan.
Kasabay nito ay isinagawa naman ang Oplan Linis Piitan sa mga selda ng kanilang 407 na Persons Deprived of Liberty (PDL) katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) Southern Station Palawan.
Dito ay isa isa nilang ininspeksyon ang mga selda laban sa mga ilegal na kontrabando, armas at mga communication device.
“This activity aims to get rid of all forms of contraband particularly illegal drugs, firearms and communication devices,” paliwanag ni Pabulayan.
Wala naman silang nakitang ilegal sa kanilang isinagawang inspeksyon.
Samantala, patuloy umano ang pangangalaga at pagkalinga ng BPDJ sa kanilang 407 na bilang ng mga PDLs katulad ng pagbibigay ng mga skills training na siyang hahasa pa sa mga PDLs sa kanilang pwedeng mapagkikitaan habang sa loob ng piitan katuwang ang Pamahalaang lokal.
Dagdag nito, nagbibigay din ang LGU at mga stakeholders ng piitan ng mga libreng bitamina at medical check up para sa mga PDLs.