Arestado ang tatlong lalaking may hinaharap na kasong theft, murder, at illegal possession ng chainsaw sa magkakahiwalay na operasyon ng mga municipal police stations (MPS) sa Palawan noong Sabado, Hunyo 19.
Ang mga ito ay kinilala sa mga ulat na galing sa tagapagsalita ng Palawan Police Provincial Office (PPPO) na si P/Maj. Ric Ramos na sina Argel Diala Asil, 19, Rosendo Babon Brillo, 60, at Randy Bundal Alum, 44.
Unang naaresto si Asil sa Barangay Iraray, Sofronio Espanola sa southern Palawan sa pamamagitan ng joint operation ng iba-ibang unit ng pulisya at MPS ng naturang bayan dahil sa kasong theft.
Naaresto siya sa bisa ng warrant na ibinaba ni Judge Ramon Chito R. Mendoza ng RTC Branch 165 noong Mayo 27, 2021, dahil sa paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code. Naglaan ng P10,000 na piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan habang nililitis ang kaso.
Sumunod na naaresto ay si Brillo na itinuturing na No. 2 most wanted sa munipal level ng Kalilangan, Bukidnon. Naaresto siya sa kapareho rin na araw sa Sityo Bayang, Brgy. Sto. Niño sa bayan ng Busuanga sa northern Palawan.
Si Brillo, isang magsasaka na nagtago sa alyas na “Noel Brillo”, ay wanted sa kasong murder. Ibinaba laban sa kanya ang warrant of arrest ni Judge Pelagio Estopia ng 10th Judicial Region, Branch 8, City of Malaybalay noong Setyembre 6, 2006.
Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Siya ay nasa kustodiya na ng Coron MPS.
Inaresto din sa Sityo Landing, Brgy. New Agutaya sa San Vicente si Alum dahil sa kaso naman na illegal possession ng chainsaw sa ilalim ng Section 7(4) ng Republic Act 9175 o ang “Chain Saw Act of 2002”.
Ang warrant para sa pag-aresto sa kanya ay ibinaba ni Judge Anna Leah Y. Tiongson-Mendoza ng RTC, Branch 164. May inilaan na P48,000 na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
