Ilang mga panabong na manok at betting money na nasakote ng Narra MPS.

Kaugnay sa pagpapatupad ng “Oplan Valentino” ng Philippine National Police (PNP), sinalakay ng Narra Municipal Police Station (MPS) ang isang iligal na operasyon ng sabong sa Purok Maligaya, Barangay Antipuluan sa bayan ng Narra nitong Linggo, Pebrero 14.

Nadakip ng operatiba ng  Narra MPS sa pamumuno ni P/Maj. Dhenies Acosta ang dalawang lalaking sangkot sa tupada habang nakatakas naman ang 11 iba pa.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Louie Solis Baxal, 34, at Onel Peres Bautista, 35, kapwa residente ng nasabing lugar. Ilan sa mga nakatakas naman ay kinilalang sina Jimboy Favila, Lie Tabas, Ryan Bacay, John Does, samantalang hindi nakilala ang pitong kasamahan ng mga ito.

Ayon kay Acosta, naabutan ang mga suspek sa aktwal na tupada sa lugar at pagdating nila ay nagsitakbuhan ang mga ito.

Narekober sa lugar ang dalawang buhay na manok, dalawang patay, mga tari, P300 na pera, at dalawang motorsiklo.

Samantala sa bayan naman ng Busuanga, isa ang naaresto habang lima ang nakatakas sa operasyon ng Busuanga MPS habang nagsasagawa rin ng iligal na tupada sa Brgy. Bogtong.

Nakilala ang naarestong suspek na si Rodel Villarose Juarez, 61, residente ng Brgy. San Rafael ng nasabing bayan, habang ang mga nakatakas naman ay kinilalang sina Arnel Abon, Joey Manzano, Vincent Garaez, kapwa residente ng Brgy. Bogtong, Kenneth Apolinario (alyas Gabarda), at alyas Bobit, na mga residente ng Brgy. Salvacion.

Ayon kay P/Maj. Raffy Esperida, acting chief of police ng Busuanga MPS, may nakapagbigay sa kanila ng impormasyon kaugnay sa nasabing sabong kaya agad silang nagsagawa ng monitoring operation.

“Medyo malayo sa highway ang ginawa nilang sabungan, parang medyo bundok na nga, tago talaga siya.kaya lang isa lang ang daan kaya may nakapag timbre sa atin,” pahayag ni Esperida.

“Isa lang ang arrested natin and the rest nakatakas, kasi gubat talaga ang lugar. pero identified natin lahat kasama sila sa kakasuhan natin,” dagdag niya.

Narekover sa lugar ang tatlong manok na may mga sugat, mga tari, at P1,400 na pera.

Ang mga suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602.

Previous articleV-Day ruminations
Next articleWashee-Washee Club holds blood donation drive on Valentine’s Day
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.