File photo

Sinampahan na ng kasong grave threat ang 12 indibidwal na sangkot sa umano’y nangyayaring agawan ng lupa sa Sitio Bubusawin, Barangay Aporawan sa bayan ng Aborlan.

Ayon kay P/Lt. Eric Guzman Dalisay, hepe ng Aborlan Municipal Police Station (MPS), kabilang sa mga sinampahan ng kaso noong araw ng Lunes, Agosto 23, sina kapitan Danilo Cortez, 56, ng nabanggit na barangay, P/SSg. Josan Ferro, 53, ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Hadja Nur-An Riva Hammid, 57 taong gulang, at ang mga kasama na sina alyas Dodong Abroso, 46; alyas Nonoy Bornok Antipuesto, 46; alyas Bong Ramos, 44; alyas Dodoy Ramos, 19; Florante Antipuesto, 39; alyas Jun Jun Antipuesto, 48; Junie Tamanio, 61; alyas Tisoy Malaki, 29, at Joel Lesian, 38.

Paliwanag ni Dalisay, bagama’t ipinaubaya na nila sa Palawan Police Provincial Office (PPPO) ang imbestigasyon sa alegasyon ng biktima na kinilalang si Angelo Falcasantos ay nagsampa na rin sila ng kaso laban sa mga nabanggit na indibidwal.

“Nagpunta  na po sila dito sa MPS, nagbigay na sila ng mga detalye at nai-file na namin kahapon din,” pahayag ni Dalisay ngayong Martes, Agosto 24.

Dagdag niya, nauna na ring pumunta si Falcasantos sa PPPO noong Agosto 20 para magreklamo.

Ayon kay Falcasantos, kasama niya ang kanilang pamilya sa inuukupang lupa sa nasabing lugar nang dumating ang mga suspek noong Agosto 18 dala diumano ang mga mahahabang armas at saka nagpaputok. Matapos ito ay hinanap umano siya ng isang suspek at nang makita siya ay agad siyang pinaputukan ngunit masuwerte siyang nakatakbo at nakapagtago sa gubat.

Mariin namang itinaggi ng mga nabanggit na suspek ang alegasyon ni Falcasantos, at sinabing walang naganap na kaguluhan sa lugar noong nasabing araw.

“Wala ako sa lugar, nasa Puerto ako noong (August) 18, dahil may mga inaasikaso ako. Ang driver ko naman at sasakyan ay nandoon dahil sa negosyo namin,” pahayag ni Cortez kamakailan.

About Post Author

Previous articleEATadakimasu: Food that’s more than just comfort
Next articleUSAID grantee moves to help informal community waste collectors
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.