Image from Google Maps.

 

Nanawagan ang municipal health office (MHO) ng bayan ng Roxas sa mga returnees na natapos na ang quarantine period nila na 14 days na patuloy pa ring i-obserba ang mga minimum health standard para matiyak na sila ay hindi makakahawa ng COVID-19 sa iba.

Ayon kay Dr. Leo Salvino, ang municipal health officer ng Roxas, dapat ay wala munang kontak o interaksyon ang mga locally stranded individuals (LSIs) at returning overseas Filipinos (ROFs) na nag-graduate na sa kanilang quarantine kung hindi naman kailangan.

“Sa mga kababayan natin, lalo na sa mga LSI at ROF na kahit nag-negative na sa pag-discharge, sana I-observe pa din yong minimum health standards. Wala munang contact or interaction sa ibang tao kung hindi naman kinakailangan (sports, basketball,inuman),” he said.

“Kasi ang test natin anti-body lang, mataas ang false negative at false positive kaya huwag tayong basta magtitiwala doon. Kasi may mga case kami, actually, almost lahat ng case namin lampas na 14 days yong labas ng symptoms — yong mga nag-positive meron pang more than a month kaya nakakalito itong sakit na ito may pagka-traydor,” dagdag pahayag ni Dr. Salvino.

Aniya, kailangan pa rin nilang mag-obserba ng social at physical distancing, magsuot ng mask o face shield, at wala munang interaksyon tulad ng pakikipag-inuman sa labas.

Kahit nasa loob na ng kanilang mga bahay, sabi ni Dr. Salvino ay dapat pa rin huwag nilang isipin na libre na sila sa COVID-19.

“Sumunod sa mga health protocol kasi baka late mag-develop yong symptoms. Huwag masyadong kompiyansa, isipin natin na hindi tayo libre. Ang exposure sa Manila ay masyadong mataas maging sa mga eroplano,” sabi niya.

Noong August 10, nakapagtala ng apat na panibagong kaso ng positibong COVID-19 ang bayan ng Roxas.

Kinabibilangan ito ng 50 anyos na babae na dumating noong July 5 sakay ng Air Asia, 59 anyos na babae dumating naman noong July 16, at isang lalaking may edad na 36 na sakay naman ng Cebu Pacific. Meron pa ring isa pang lalaki na may edad 21 na sakay naman ng Philippine Airlines na dumating noong July 18.

“Yes po, apat ang nadagdag, female 50-years-old via Air Asia dumating noong July 5, female ulit 59-years-old na dumating noong July 16 via Cebu Pacific, pati si male, 36, at noong July 18 naman dumating si male, 21, via PAL,” sabi ni Dr. Salvino.

Na-swab test ang mga ito noong nakaraang linggo araw ng Miyerkules at Huwebes at lumabas ang resulta noong linggo ng hapon.

Nasa isolation facility na ng Roxas Medicare Hospital ang mga pasyente sa ilalim ng kanilang obserbasyon at monitoring.

“Andoon na sila ngayon sa Roxas Medicare Hospital at naka-isolate na sila, mga mild symptoms lang naman. At Sunday afternoon after natin matanggap ang results, nag-umpisa na tayo mag contact tracing, tuloy-tuloy hanggang ngayon at nagsimula na Kami magpa rapid test sa mga naging close contact ng mga ito,” pahayag pa niya.

 

About Post Author

Previous articleBrooke’s Point welcomes Magellan-Elcano voyage’s historical marker
Next articlePH Navy won’t fire ‘first shot’ despite provocations in WPS
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.