Inaresto ng mga awtoridad ang apat na indibidwal sa bayan ng Aborlan na “caught in the act” habang nagsasabong sa mga barangay ng Barake at San Juan noong November 1.
“Tinaon nila talaga ang sabong sa November 1 para siguro walang makakita at busy ang mga tao sa Undas,” sabi ni P/Lt. Dinnoh Genoves, officer-in-charge ng Aborlan MPS, noong Lunes.
Inilunsad ang operasyon ng mga awtoridad noong Linggo sa dalawang barangay na magkahiwalay na nag-resulta ng pagkahuli ng apat na indibidwal at ang iba dito ay nakatakbo at tumakas.
“Nakatanggap kami ng source na may tupada sa dalawang barangay na yan. Inuna namin noong umaga ang sa Sitio Titibawan sa San Juan at 12:30 p.m. sa Old Barake sa Barake,” sabi ni Genoves.
“Hindi muna natin idi-disclose kung sinu-sino ito dahil kinukunan namin sila ng impormasyon kung sino pa ang mga kasama nila sa tupada,” dagdag niya.
Posibleng kaharapin ng mga ito ang kasong paglabag sa Presidential Decree 449 o ang pagsasagawa ng illegal cockfighting.