Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO)

SAN VICENTE, Palawan — Dahil sa pagpasok ng panahon ng tag-init, inaasahan na magkakaroon ng pagbaba ng level ng tubig kung kaya’t hinikayat ngayon ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO) sa bayang ito ang mga mamamayan na palagiang mag-imbak ng tubig.

Ayon sa MEEDO, maaaring makaranas ng paghina ng pressure o tuluyang pagkawala ng suplay ng tubig tuwing araw ang mga kabahayan na nasa mataas na lugar dahil na rin sa pagbaba ng lebel ng tubig sa mga pinagkukunan nito.

“Inaabisuhan namin ang lahat ng mga concessionaire namin sa Water Works System ng San Vicente na mag-ipon ng tubig. Lalo na ang mga area na nasa mataas ang elevation,” pahayag ni Municipal Economic Enterprise and Development Officer Edgar T. Andante.

Ayon pa kay Andante, 40 porsyento ng suplay ng tubig ang nawala na sa mga pinagkukunang ilog.

“Ang level kasi ng reservoir dito sa Poblacion ay nine feet iyan – pero sa ngayon, lalo na kapag umaga [ay] naglalaro na lang sa 4.5 hanggang six [feet],” paliwanag niya.

- Advertisement -

Dahl dito, ipinayo niya na ugaliin ang pag-iimbak ng tubig sa mga drum upang makatiyak na mayroong magagamit sa mga bahay.

Makatutulong din ang paggamit ng tabo o kaya naman ang paggamit ng shower na mayroong sprinkle shower head sa pagligo upang makatipid sa tubig, ayon sa kanya.

“Sa history ay hindi pa [naman] tayo nawawalan ng tubig kahit noong nakaraang taon na talagang ang dry season ay umabot ng 9 months,” Aniya.

Ibinahagi rin niya na sa ngayon ay gumagawa ng hakbang ang kanilang opisina upang magkaroon ng deep well solar drive na maaring magamit tuwing panahon ng tag-init.

“Nag-survey na kami na magkaroon tayo ng tinatawag na deep well solar drive. Iyon ang magsisilbing solusyon during summer. So ‘yung deep well na iyon na solar drive [ang] siyang tutulong during morning para magfill-in doon sa kakulangan ng reservoir,” paliwanag niya.

Ang nasabing proyekto ay inaasahan ding makakapagpababa ng operation cost ng water system sa munisipyo.

Noong Marso 26 ay opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric Astronomical and Geophysical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng tag-init o dry season sa bansa.

Previous articleConfusion cleared on new Covid case listing for Araceli and Brooke’s Point
Next articlePagtutulungan ng AFP at LGU, kailangan para masugpo ang rebeldeng NPA
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.